Mabilis lamang na lumipas ang isang taon, simbilis ng matapang na paghuhubad ni Duterte ng maskara at paglalantad sa sarili bilang pangunahing tagapagtanggol ng interes ng panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at dayuhang monopolyo kapitalista.
Noong una ay hambog na ipinangangalandakan na siya ang kauna-unahang pangulo na galing sa “kaliwa at sosyalista” iyon pala ay pawang sa salita at pangako lamang. Ang katotohanan ay isang maangas na commander-in-chief pero bahag ang buntot sa kanyang mga heneral. Kagaya din ng mga naunang pangulo, isa siyang tuta na kahol ng kahol na kunwari anti-US pero mariing tagapagtaguyod ng neoliberal na patakaran ng mga imperyalista lalo na nang Estados Unidos.
Sa katatapos na State of the Nation Address (SONA), walang kahihiyang humarap sa mamamayang naglulunsad ng tunay na SONA ng Bayan at humihingi ng respeto sa naniningil na mamamayan. Tama na siya lamang ang pangulong gumawa nito sa kasaysayan ng bansa. Siya din ang kauna-unahang pangulo na humihingi ng respeto sa mamamayan sa kabila ng kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao ng maliliit na mamamayan dahil sa kampanyang kontra droga at sa mamamayang Lumad at Moro na biktima ng Martial Law sa Mindanao.
Paulit-ulit si Duterte sa pagbanggit na magrespetuhan ang Kaliwa at ang kanyang gubyerno upang maituloy diumano ang usapang pangkapayapaan. Malinaw na walang interes si Duterte na resolbahin ang ugat ng pag-aarmas ng rebolusyonaryong mamamayan, Sa halip, ang tanging interes nito ay maitali lamang ang rebolusyonaryong kilusan sa isang walang-taning at matagalang tigil putukan nang hindi ina-address ang mga sustantibong adyenda sa mga repormang sosyo-ekonomiko, at pulitika’t konstitusyonal. Noong hindi mangyari ang kanyang kahibangan, pinalaki ang maliliit na dahilan gaya ng ambush sa kanyang Presidential Security Group (PSG) upang mabilis at makaisang-panig na iatras ang nagaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at magbanta ng todo gera laban sa New People’s Army (NPA) at rebolusyonaryong mamamayan.
Lumalaganap ang tanggalan habang nananatili ang malaganap pang kontraktwalisasyon
Ang pangako ni Duterte na wawakasan ang endo (pinaikling end of contract) ay pangakong siyang na-endo na! Walang silbi ang Department Order o D.O. 174 na inilabas ni Bello ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil pinalala pa nito ang kontraktwalisasyon. Hindi na nga nito nawakasan ang kontraktwalisasyon dahil sa kawalan ng ngipin ay naging dahilan pa ng malawakang tanggalan. Pabor pa nga ito sa mga kapitalista dahil pinakitid ang saklaw ng kautusan. Kung talagang seryoso si Duterte sa kanyang mga pangako, isang executive order (EO) lamang ang kailangan at mawawakasan ang talamak na iskemang ito.
Sa isang banda, dahil sa maingay na kampanya at pagkilos ng mga manggagawa laban sa kontraktwalisasyon, naitulak ang DOLE na maglabas ng mga desisyon na kumikilala sa mga kontraktwal bilang regular. Ngunit hindi maipatupad ito at hanggang papel lamang, naging senyales pa nga ito sa maniobra ng mga ganid na kapitalista at mga agency para takasan at iwasan ang kanyang pananagutan sa manggagawa.
Ang malinaw, sunud-sunuran si Duterte sa interes ng mga dayuhang kapitalista pangunahin ang imperyalistang Estados Unidos. Ang Philippine Development Plan ng Rehimeng US-Duterte para sa 2017-2022 ay katulad ng nakaraang administrasyon na wage-cut at wage-freeze policy sa pamamagitan ng Two-Tiered Wage System. Malinaw na hindi dapat umasa sa kanyang pangakong wawakasan ang kontraktwalisasyon dahil salungat ito sa layunin ng development plan na pabor lang sa mga kapitalista.
Sa Timog Katagalugan, batay sa datos nitong Hunyo lamang ay umaabot na sa higit 12,622 kontraktwal ang may desisyon ng DOLE Region IV-A na regular. Ngunit 445 pa lamang ang kabuuang kinikilala ng mga kapitalista. Aabot lamang ito sa apat na porsyento (4%) at sadyang napakalaki pa ng hindi pa pinapatupad. Ilan sa halimbawa ang 3,900 sa Takata, 801 Nexperia, 2,375 sa Hamlin at sa 675 sa Coke – Santa Rosa pero wala pa kahit isang manggagawa ang nare-regular ng nabanggit na kapitalista. Sa halip, pinapatawan ng illegal suspensions at iba pang gawa-gawang kaso hanggang tuluyang iligal na matanggal sa trabaho. Sa buong bansa, mahigit 24 milyon manggagawa pa din ang biktima ng iba’t ibang anyo ng kontraktwal na paggawa.
Martial Law extension sa Mindanao pakana ng US-DEAL
Walang ibang maidudulot ang extension ng Martial Law sa Mindanao kundi mas masahol na paglabag sa karapatang pantao. Ang mismong deklarasyon ng Martial Law ay kawalan na ng respeto sa buhay at karapatan ng milyon-milyong pinagsasamantalahan sa Mindanao. Isa itong pakana ng United States (US) at ng kanyang mga tuta na sina Duterte, Esperon, Año, at Lorenzana (US-DEAL) para tiyakin ang interes ng US sa Mindanao.
Lalong magiging miserable ang buhay ng mahigit 200,000 mamamayang napilitang lumikas dahil sa hindi kinakailangang pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang extension ng Martial Law ay nangangahulugan ng mas mahabang panahon ng ibayong kahirapan sa mamamayan at pagtaas ng bilang ng paglabag sa karapatang pantao. Mistulang banta din ito ng authoritarian rule at diktadurya sa buong bansa anumang oras na naisin ng Rehimeng US-Duterte para pigilan ang maingay na pagtutol sa kanyang mga patakaran.
Sa ordinaryong mamamayan, ang mismong kawalan ng kabuhayan, maayos na tirahan, at masustansyang pagkain ay paglabag sa mga batayang karapatan na bunga ng Batas Militar. Ito ay malinaw na kawalan ng respeto sa sagradong buhay ng bawat tao.
Sa mga Lumad, hindi katanggap-tanggap ang pahayag ni Duterte na bobombahin ang kanilang mga paaralan. Nagsikap ang iba’t ibang organisasyon para mabigyan ng edukasyon ang mga Lumad dahil hindi ito maibigay ng reaksyunaryong gubyerno.
Sa mga manggagawa, mabilis nabubuwag ang welga dahil hindi kinikilala ng militar ang karapatang magwelga. Nagdudulot ito ng ilang ulit na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa para sa regular na hanapbuhay, nakabubuhay na sahod, nararapat na mga benepisyo, at makataong kondisyon sa paggawa. Isang halimbawa ang pagbuwag sa welga ng mga manggagawa ng Shin Sun sa Compostela.
Sa pangkalahatan, hindi kailangan ang martial law para tugisin ang diumano’y mga terorista. Isa itong gera na pakana ng US at ng mga ahente ng Central Intelligence Agency (CIA) na sina Lorenzana, Esperon at Año laban sa mamamayang Moro at rebolusyunaryong kilusan sa Mindanao at buong bansa. Kung tutuusin, sa laki ng pondo ng mamamayan na inilalaan sa militar at Philippine National Police (PNP), maaaring sugpuin ng AFP ang mga terorista ng hindi nangbobomba at nangwawasak ng kabuhayan, kabahayan, buhay at syudad.
Sa kabila ng kanyang mga pangako, malinaw ngayon na walang respeto si Duterte sa buhay at karapatan ng mamamayan. Sinabi n’ya mismo sa harap ng nagpoprotestang mamamayan noong SONA na magagalit ang militar kung tutugunan n’ya ang makatarungang agenda ng mamamayan.
Matapang ang mga pahayag ni Duterte sa harap ng media at naghihirap na mamamayan ngunit bahag ang buntot kina Lorenzana, Esperon, at Año ng AFP at sa mga imperyalista. Sinunod n’ya ang kagustuhan ng AFP na pahabain ang Martial Law, pinayagan ang paglabas-masok ng mga sundalong Kano ayon sa nakasaad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at walang tapang sa pagharap sa Tsina sa usapin ng West Philippine Sea. Hindi maitatatwa na ang ultimong layunin ng Martial Law sa Mindanao hanggang sa pagpatupad nito sa buong bansa ay konsolidasyon ng Rehimeng US-Duterte sa kanyang pagiging diktador para buong layang dambungin ang saganang likas na yaman na nais ng malalaking dayuhang korporasyon.
Sa loob ng isang taon, mabilis na inilantad ng Rehimeng US-Duterte ang kanyang pagbabalatkayo. Ang nagboladas ng iba’t ibang pangako noong panahon ng eleksyon ay isa na ngayong pasimuno ng mga utak-pulburang militar at gahamang dayuhan. Humihingi ng respeto ngunit hindi naman n’ya ito ibinibigay sa mamamayang dapat n’yang pinaglilingkuran.
Armadong paglaban ang tanging solusyon
Patuloy ang paghihirap ng mamamayan sa mga nagdaang rehimen. Pinatitindi ito ngayon sa kabila ng magagandang pangako ni Duterte. Puro dada ngunit kabaliktaran naman ang ginagawa.
Walang tanging maaasahan ang sambayanang inaapi kundi ang pagtangan, higit pang pagpapalakas, hanggang sa pagtatagumpay ng armadong paglaban. Ang AFP sa pamumuno ng Rehimeng US-Duterte ang pangunahin ngayong naghahasik ng kaguluhan at lumalabag sa karapatang pantao.
Sa kanayunan, naipagtatanggol ng NPA ang karapatan ng mga magsasaka. Hakbang-hakbang na naisusulong ang libreng pamamahagi ng lupa, at napoprotektahan ang kalikasan mula sa dayuhang pagmimina at mga mapanirang lokal na negosyo.
Habang ipinapanawagan natin ang pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan, dapat na pinalalakas ang armadong paglaban dahil ito ang siguradong paraan upang makamit ang kapayapaang nakabatay sa katarungan. Ang higit pang pagpapalakas ng NPA at pagtatagumpay ng armadong pakikibaka ang magtitiyak ng tunay na reporma sa lupa at pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon. Sa ganitong kalagayan, tiyak ang pagkakamit ng kapayapaan at katarungang panlipunan. ###
Ang larawan sa itaas ay editorial cartoon ng July 21, 2017 issue ng Ang Bayan – opisyal na pahayagan ng Communist Party of the Philippines.