Gyera Kontra Droga ng Rehimeng US-Duterte: Kontra Mahirap, Labag sa Karapatang Mabuhay

PRESS STATEMENT

Mariing kinukondena ng Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST) ang Rehimeng Duterte at ang Philippine National Police (PNP) sa walang habas na pamamaslang sa mga mahihirap na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga. Isang pambansang operasyong hinango sa Davao Death Squad noong alkalde pa lang si Duterte.

Simula Agosto 17 hanggang 18 lang, umabot sa mahigit 80 ang napaslang ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa. Malaking dagdag ito sa dumaraming bilang ng napapaslang ng gyera kontra droga ni Duterte na umaabot na sa mahigit 12,000.

Hindi pamamaslang ang solusyon upang malutas ang problema sa droga. Ang maliliit na mamamayan ay natutulak na gumamit o magbenta ng iligal na droga dahil sa laganap na kahirapan, pagkakait sa kanila ng batayang serbisyong panlipunan, at kawalan ng oportunidad para sa regular na hanapbuhay,” pagbibigay-diin ni Fortunato Magtanggol, tagapagsalita ng RCTU-ST.

Kasama ng iba pang alyadong organisasyon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), isinusulong ng RCTU ang pambansang industriyalisasyon dahil ito ang magbibigay sa mamamayang Pilipino ng permanenteng hanapbuhay na may nakabubuhay na sahod at nararapat na mga benepisyo.

Kung gubyerno ang magpapatakbo ng mga batayang industriya gaya ng bakal, kemikal, at pagkain, gaya ng ginagawa sa Cuba at North Korea, mabibigyan ng trabaho ang lahat ng mamamayan ng hindi sila pinagsasamantalahan sa pamamagitan ng barat na pasahod, kawalan ng benepisyo, at kontraktwal na paggawa,” paliwanag ni Magtanggol.

Sa kasalukuyan, kontrolado ang ekonomiya ng Pilipinas ng iilang dayuhang monopolyo kapitalista gaya ng mga may-ari ng Toyota, Nestle, Del Monte, Takata, Samsung, at iba pa, at mga malalaking burgesya komprador o lokal na kapitalista gaya nina Henry Sy, Lucio Tan, John Gokongwei, at iba pa.

Ayon pa kay Magtanggol, “Hindi kaya ng mga kapitalistang ito na bigyan ng regular na hanapbuhay ang lahat ng halos 50 milyong Pilipino na nangangailangan ng trabaho. Nagbabawas pa nga sila ng mga manggagawa dahil gumagamit sila ng mas maunlad na teknolohiya upang mapabilis at maparami ang produksyon sa maikling panahon. Kasabay nito, tinitiyak nilang mababa ang pasahod at walang benepisyong ibinibigay sa mga manggagawa upang higit pang mapalaki ang kanilang higante ng tubo.”

Noong 2016, si Henry Sy ang pinakamayaman sa bansa na may $12.7 bilyon kabuuang yaman. Ang mga manggagawa naman sa Shoe Mart o SM na kanyang pagmamay-ari ay kontraktwal at pilit pinagkakasya ang napakaliit na sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Ang Toyota naman, na nangunguna sa buong daigdig sa pagmamanupaktura ng sasakyan, ay nag-e-empleyo ng mga on-the-job trainees (OJT) na hindi tumatanggap ng sahod kahit kagaya ng mga regular ang ginagawa at sa loob din ng otso oras o higit pa.

Malinaw na ang programa sa ekonomiya ng gubyerno na pabor lang sa mga kapitalista ang nagpapanatili at nagpapalala ng laganap na kahirapan. Ito din ang nagtutulak sa mamamayan upang maging sangkot sa industriya ng iligal na droga. Upang solusyonan ito, rehabilitasyon ang kailangang gawin ng gubyerno upang mailayo sa ipinagbabawal na gamot ang mga gumagamit nito. Higit sa lahat, rehabilitasyon ng kabuhayan sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon ang tamang solusyon upang wakasan ang problema sa droga,” paglilinaw ni Magtanggol.

Ngunit sa halip na solusyonan ni Duterte ang kahirapan, nagmamalaki pa ito sa pagpapatuloy ng kanyang hindi makataong gyera kontra droga. Nagiging lohika na ng reaksyunaryong gubyerno ni Duterte na kung mahirap ay papatayin, at kung mayaman naman ay bibigyan ng proteksyon upang higit pang makapagpayaman.

Mayroon mang mayayamang personalidad na ikinukulong o kaya ay mga pulitiko na pinatay, iilan lang ito at hindi talaga sila ang “pinakamalalaking isda” na nakikinabang sa industriya ng droga. Kung susuriin pa, sila ay mga kalaban ng mga kaalyado ni Duterte na sangkot din sa iligal na droga ngunit hindi naman nailalantad at napaparusahan.

Instrumento ngayon ng Rehimeng US-Duterte ang PNP upang sugpuin ang problema sa droga sa pamamagitan ng patuloy na pagpatay sa mahihirap na sangkot dito. Nilalabag ng mga pulis ang sagradong karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay. Sa kanayunan, may pagsisikap ang New People’s Army (NPA) sa rehabilitasyon ng mga biktima ng droga. Ipinagtatanggol din nila ang mahihirap tulad ng mga maralitang magsasaka na inaagawan ng lupa o iba pang anyo ng pagsasamantala ng panginoong maylupa. Kaisa din ng NDFP ang NPA sa pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon upang maiahon ang mga mahihirap sa kumunoy ng kahirapan,” pagpapalawig ni Magtanggol.

Tanging sa pagpawi lang ng laganap na kahirapan tunay na mawawakasan ang problema sa droga. Walang ibang alam gawin ang PNP kundi ang pumatay para sa interes ng iilang nasa kapangyarihan. Walang ibang dapat piliin at gawin kung gayon ang mga manggagawa at mamamayan kundi ang suportahan ang NPA upang mapagtagumpayan ang mga adhikain nito gaya ng pambansang industriyalisasyon. Manggagawa, sumapi sa NPA!” mapanghamong pagwawakas ni Magtanggol. ###

Ang featured image ay mula sa http://www.notey.com/blogs/justice-for-kian.

Ilusyon ni Duterte ang mga panibagong banta sa seguridad sa Mindanao

PRES STATEMENT

Kabaliwan ang paghahangad ni Duterte ng karagdagang 20,000 sundalo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Ayon sa Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST), ilusyon lamang ang binabanggit nitong mga panibagong banta sa seguridad sa ibang bahagi ng Mindanao.

Matutulad lamang sa mga napaslang na sundalo ng AFP ang buhay ng karagdagang 20,000 tropa na hinihiling ni Duterte sa Kongreso. Mangangahulugan din ito ng milyon-milyong pondo na ibabawas sa kaban ng bayan para lamang pasahurin ang mga reaksyunaryong sundalo na nangunguna sa paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ni Fortunato Magtanggol, tagapagsalita ng RCTU-ST.

Pagmamaliit at pagmamasama ang pahayag ni Duterte na banta sa seguridad ang lumalaking bilang ng New People’s Army (NPA). Ang mga NPA ang totoong naglilingkod sa mamamayan pangunahin sa mga magsasaka sa kanayunan na patuloy na inaagawan ng lupa. Ang mga sundalo ng AFP ay reaksyunaryo at nagsisilbi sa mga panginoong maylupa, malaking burgesya komprador, at dayuhang monopolyo kapitalista.”

Hindi kailanman matatapos ang digmaan kung hindi sosolusyonan ng reaksyunaryong gubyerno ang laganap na kahirapan na resulta ng pagsasamantala ng iilang naghaharing uri. Isang paraan na dapat gawin ni Duterte upang matigil ang armadong paglaban ng mamamayan ay ang pagtutuloy, pagseseryoso at pagtatagumpay sa usapang pangkapayapaan,” pagpapalawig ni Magtanggol.

Sinusuportahan ng RCTU-ST ang pag-uusap hanggang sa pagpirma ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Republic of the Philiippines (GRP) sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).

Bilang alyadong organisasyon ng NDFP, sinusuportahan ng RCTU ang usapang pangkapayapaan at ang CASER bilang isa sa mga sustantibong adyenda dahil laman nito ang programa para sa pagtatayo ng pambansang industriyalisasyon. Mahalaga ito para sa mga manggagawa at mamamayang nagnanais magkaroon ng disente at regular na trabaho na may nakabubuhay na sahod at maayos na benepisyo. Kung may mga batayang industriya ang ating bansa na pinatatakbo ng gubyerno, hindi kakailanganin na gipitin ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa dahil walang mga kapitalista na kumokontrol sa ekonomiya,” pagbibigay diin ni Magtanggol.

Ngunit sa halip na gawin ang tama, itinuturing pa ni Duterte na banta sa seguridad at kahanay ng mga terorista ang NPA. Sa kabila ito ng katotohanan na isa ang NPA sa nagsusulong ng pambansang industriyalisasyon at iba pang programa na para sa ikabubuti ng nakararami.

Hindi ang all-out war at Martial Law ng Rehimeng US-Duterte ang tatapos sa armadong paglaban. Hindi nito kailanman mapipigilan ang paglakas ng NPA hangga’t naririyan ang laganap na kahirapan at pagsasamantala sa mamamayan. Ang paghahangad ni Duterte ng karagdagang 20,000 sundalo para sa AFP ay lalo lamang magpapalala sa krisis ng bansa. Lagi’t laging mag-i-ilusyon ng ‘banta sa seguridad’ ang reaksyunaryong gubyerno hangga’t nagpapatuloy itong kasangkapan ng imperyalistang Estados Unidos at lokal na naghaharing uri para abusuhin ang murang lakas paggawa at dambungin ang likas na yaman ng ating bansa,” pagtatapos ni Magtanggol. ###

Ang featured image ay editorial cartoon ng August 7, 2017 issue ng Ang Bayan – opisyal na pahayagan ng Communist Party of the Philippines.

DUTERTE, TUTA NG IMPERYALISTA, BAHAG ANG BUNTOT SA AFP! PASISTA AT WALANG RESPETO SA KARAPATANG PANTAO!

Mabilis lamang na lumipas ang isang taon, simbilis ng matapang na paghuhubad ni Duterte ng maskara at paglalantad sa sarili bilang pangunahing tagapagtanggol ng interes ng panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at dayuhang monopolyo kapitalista.

Noong una ay hambog na ipinangangalandakan na siya ang kauna-unahang pangulo na galing sa “kaliwa at sosyalista” iyon pala ay pawang sa salita at pangako lamang. Ang katotohanan ay isang maangas na commander-in-chief pero bahag ang buntot sa kanyang mga heneral. Kagaya din ng mga naunang pangulo, isa siyang tuta na kahol ng kahol na kunwari anti-US pero mariing tagapagtaguyod ng neoliberal na patakaran ng mga imperyalista lalo na nang Estados Unidos.

Sa katatapos na State of the Nation Address (SONA), walang kahihiyang humarap sa mamamayang naglulunsad ng tunay na SONA ng Bayan at humihingi ng respeto sa naniningil na mamamayan. Tama na siya lamang ang pangulong gumawa nito sa kasaysayan ng bansa. Siya din ang kauna-unahang pangulo na humihingi ng respeto sa mamamayan sa kabila ng kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao ng maliliit na mamamayan dahil sa kampanyang kontra droga at sa mamamayang Lumad at Moro na biktima ng Martial Law sa Mindanao.

Paulit-ulit si Duterte sa pagbanggit na magrespetuhan ang Kaliwa at ang kanyang gubyerno upang maituloy diumano ang usapang pangkapayapaan. Malinaw na walang interes si Duterte na resolbahin ang ugat ng pag-aarmas ng rebolusyonaryong mamamayan, Sa halip, ang tanging interes nito ay maitali lamang ang rebolusyonaryong kilusan sa isang walang-taning at matagalang tigil putukan nang hindi ina-address ang mga sustantibong adyenda sa mga repormang sosyo-ekonomiko, at pulitika’t konstitusyonal. Noong hindi mangyari ang kanyang kahibangan, pinalaki ang maliliit na dahilan gaya ng ambush sa kanyang Presidential Security Group (PSG) upang mabilis at makaisang-panig na iatras ang nagaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at magbanta ng todo gera laban sa New People’s Army (NPA) at rebolusyonaryong mamamayan.

Lumalaganap ang tanggalan habang nananatili ang malaganap pang kontraktwalisasyon

Ang pangako ni Duterte na wawakasan ang endo (pinaikling end of contract) ay pangakong siyang na-endo na! Walang silbi ang Department Order o D.O. 174 na inilabas ni Bello ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil pinalala pa nito ang kontraktwalisasyon. Hindi na nga nito nawakasan ang kontraktwalisasyon dahil sa kawalan ng ngipin ay naging dahilan pa ng malawakang tanggalan. Pabor pa nga ito sa mga kapitalista dahil pinakitid ang saklaw ng kautusan. Kung talagang seryoso si Duterte sa kanyang mga pangako, isang executive order (EO) lamang ang kailangan at mawawakasan ang talamak na iskemang ito.

Sa isang banda, dahil sa maingay na kampanya at pagkilos ng mga manggagawa laban sa kontraktwalisasyon, naitulak ang DOLE na maglabas ng mga desisyon na kumikilala sa mga kontraktwal bilang regular. Ngunit hindi maipatupad ito at hanggang papel lamang, naging senyales pa nga ito sa maniobra ng mga ganid na kapitalista at mga agency para takasan at iwasan ang kanyang pananagutan sa manggagawa.

Ang malinaw, sunud-sunuran si Duterte sa interes ng mga dayuhang kapitalista pangunahin ang imperyalistang Estados Unidos. Ang Philippine Development Plan ng Rehimeng US-Duterte para sa 2017-2022 ay katulad ng nakaraang administrasyon na wage-cut at wage-freeze policy sa pamamagitan ng Two-Tiered Wage System. Malinaw na hindi dapat umasa sa kanyang pangakong wawakasan ang kontraktwalisasyon dahil salungat ito sa layunin ng development plan na pabor lang sa mga kapitalista.

Sa Timog Katagalugan, batay sa datos nitong Hunyo lamang ay umaabot na sa higit 12,622 kontraktwal ang may desisyon ng DOLE Region IV-A na regular. Ngunit 445 pa lamang ang kabuuang kinikilala ng mga kapitalista. Aabot lamang ito sa apat na porsyento (4%) at sadyang napakalaki pa ng hindi pa pinapatupad. Ilan sa halimbawa ang 3,900 sa Takata, 801 Nexperia, 2,375 sa Hamlin at sa 675 sa Coke – Santa Rosa pero wala pa kahit isang manggagawa ang nare-regular ng nabanggit na kapitalista. Sa halip, pinapatawan ng illegal suspensions at iba pang gawa-gawang kaso hanggang tuluyang iligal na matanggal sa trabaho. Sa buong bansa, mahigit 24 milyon manggagawa pa din ang biktima ng iba’t ibang anyo ng kontraktwal na paggawa.

Martial Law extension sa Mindanao pakana ng US-DEAL

Walang ibang maidudulot ang extension ng Martial Law sa Mindanao kundi mas masahol na paglabag sa karapatang pantao. Ang mismong deklarasyon ng Martial Law ay kawalan na ng respeto sa buhay at karapatan ng milyon-milyong pinagsasamantalahan sa Mindanao. Isa itong pakana ng United States (US) at ng kanyang mga tuta na sina Duterte, Esperon, Año, at Lorenzana (US-DEAL) para tiyakin ang interes ng US sa Mindanao.

Lalong magiging miserable ang buhay ng mahigit 200,000 mamamayang napilitang lumikas dahil sa hindi kinakailangang pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang extension ng Martial Law ay nangangahulugan ng mas mahabang panahon ng ibayong kahirapan sa mamamayan at pagtaas ng bilang ng paglabag sa karapatang pantao. Mistulang banta din ito ng authoritarian rule at diktadurya sa buong bansa anumang oras na naisin ng Rehimeng US-Duterte para pigilan ang maingay na pagtutol sa kanyang mga patakaran.

Sa ordinaryong mamamayan, ang mismong kawalan ng kabuhayan, maayos na tirahan, at masustansyang pagkain ay paglabag sa mga batayang karapatan na bunga ng Batas Militar. Ito ay malinaw na kawalan ng respeto sa sagradong buhay ng bawat tao.

Sa mga Lumad, hindi katanggap-tanggap ang pahayag ni Duterte na bobombahin ang kanilang mga paaralan. Nagsikap ang iba’t ibang organisasyon para mabigyan ng edukasyon ang mga Lumad dahil hindi ito maibigay ng reaksyunaryong gubyerno.

Sa mga manggagawa, mabilis nabubuwag ang welga dahil hindi kinikilala ng militar ang karapatang magwelga. Nagdudulot ito ng ilang ulit na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa para sa regular na hanapbuhay, nakabubuhay na sahod, nararapat na mga benepisyo, at makataong kondisyon sa paggawa. Isang halimbawa ang pagbuwag sa welga ng mga manggagawa ng Shin Sun sa Compostela.

Sa pangkalahatan, hindi kailangan ang martial law para tugisin ang diumano’y mga terorista. Isa itong gera na pakana ng US at ng mga ahente ng Central Intelligence Agency (CIA) na sina Lorenzana, Esperon at Año laban sa mamamayang Moro at rebolusyunaryong kilusan sa Mindanao at buong bansa. Kung tutuusin, sa laki ng pondo ng mamamayan na inilalaan sa militar at Philippine National Police (PNP), maaaring sugpuin ng AFP ang mga terorista ng hindi nangbobomba at nangwawasak ng kabuhayan, kabahayan, buhay at syudad.

Sa kabila ng kanyang mga pangako, malinaw ngayon na walang respeto si Duterte sa buhay at karapatan ng mamamayan. Sinabi n’ya mismo sa harap ng nagpoprotestang mamamayan noong SONA na magagalit ang militar kung tutugunan n’ya ang makatarungang agenda ng mamamayan.

Matapang ang mga pahayag ni Duterte sa harap ng media at naghihirap na mamamayan ngunit bahag ang buntot kina Lorenzana, Esperon, at Año ng AFP at sa mga imperyalista. Sinunod n’ya ang kagustuhan ng AFP na pahabain ang Martial Law, pinayagan ang paglabas-masok ng mga sundalong Kano ayon sa nakasaad sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at walang tapang sa pagharap sa Tsina sa usapin ng West Philippine Sea. Hindi maitatatwa na ang ultimong layunin ng Martial Law sa Mindanao hanggang sa pagpatupad nito sa buong bansa ay konsolidasyon ng Rehimeng US-Duterte sa kanyang pagiging diktador para buong layang dambungin ang saganang likas na yaman na nais ng malalaking dayuhang korporasyon.

Sa loob ng isang taon, mabilis na inilantad ng Rehimeng US-Duterte ang kanyang pagbabalatkayo. Ang nagboladas ng iba’t ibang pangako noong panahon ng eleksyon ay isa na ngayong pasimuno ng mga utak-pulburang militar at gahamang dayuhan. Humihingi ng respeto ngunit hindi naman n’ya ito ibinibigay sa mamamayang dapat n’yang pinaglilingkuran.

Armadong paglaban ang tanging solusyon

Patuloy ang paghihirap ng mamamayan sa mga nagdaang rehimen. Pinatitindi ito ngayon sa kabila ng magagandang pangako ni Duterte. Puro dada ngunit kabaliktaran naman ang ginagawa.

Walang tanging maaasahan ang sambayanang inaapi kundi ang pagtangan, higit pang pagpapalakas, hanggang sa pagtatagumpay ng armadong paglaban. Ang AFP sa pamumuno ng Rehimeng US-Duterte ang pangunahin ngayong naghahasik ng kaguluhan at lumalabag sa karapatang pantao.

Sa kanayunan, naipagtatanggol ng NPA ang karapatan ng mga magsasaka. Hakbang-hakbang na naisusulong ang libreng pamamahagi ng lupa, at napoprotektahan ang kalikasan mula sa dayuhang pagmimina at mga mapanirang lokal na negosyo.

Habang ipinapanawagan natin ang pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan, dapat na pinalalakas ang armadong paglaban dahil ito ang siguradong paraan upang makamit ang kapayapaang nakabatay sa katarungan. Ang higit pang pagpapalakas ng NPA at pagtatagumpay ng armadong pakikibaka ang magtitiyak ng tunay na reporma sa lupa at pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon. Sa ganitong kalagayan, tiyak ang pagkakamit ng kapayapaan at katarungang panlipunan. ###

Ang larawan sa itaas ay editorial cartoon ng July 21, 2017 issue ng Ang Bayan – opisyal na pahayagan ng Communist Party of the Philippines.

Pagpugayan ang New People’s Army, Biguin ang Anti-Mamamayang All-Out War ng Rehimeng Duterte

Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay sa mga Pulang Mandirigma ng New People’s Army (NPA) at ika-48 anibersaryo nito ang ipinapaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST)! Patuloy ang paglakas ng tunay na hukbo ng mamamayang Pilipinong inaapi sa kabila ng todo-gerang pakana ng Rehimeng Duterte sa pamamagitan ng tuta ng imperyalistang Estados Unidos na reaksyunaryong hukbo nito – ang Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang Philippine National Police (PNP).

Pagpugayan ang Bagong Hukbong Bayan

Itinatag noong Marso 29, 1969, 48 taon ng nagsisilbi sa mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi ang NPA o Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang ating mga Pulang Madirigma ay mga kapwa natin na dating inaapi at nag-aasam din ng tunay na pagbabago. Sila ay mga magsasakang inaagawan ng lupa, mga manggagawang pinipiga ng kapitalista para sa tubo, mga estudyante na pinagkakaitan ng libre at de-kalidad na edukasyon, mga maralita na pinapalayas sa kanilang tirahan, at iba pang sektor na pinagsasamantalahan ngunit nagpasyang tumangan ng armas upang ipagtanggol ang mga inaaping uri at ibagsak ang bulok na estado para sa paghawan ng landas tungo sa tunay na pagbabago.

Nararapat na pagpugayan ang BHB dahil sa walang kaparis na paglilingkod nito sa mamamayan. Sa kanayunan, makatarungan nitong ipinapatupad ang libreng pamamahagi ng lupa – isang programa na hindi nagawa ng reaksyunaryong gubyerno gamit ang halos tatlong dekada nito ng reporma sa lupa na pinakamagastos at pinakamahaba sa buong mundo. Naglulunsad din ang BHB ng serbisyong medikal, pag-aaral ng literasiya at numero, at iba pang mga serbisyong ipinagkakait ng estado. Tumutulong din ang BHB sa mga gawain sa produksyon gaya ng paghahanda ng lupa, pagtatanim at hanggang sa pag-ani.

Ang ating mga mandirigma sa BHB ay tunay na dakila sapagkat mapagpasya nilang isinantabi ang kanilang mga pansariling interes at buo ang loob at buong-tatag na iniaalay ang sarili para sa pagpapalaya ng sambayanang Pilipino mula sa tatlong salot – imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Dahil sa walang pag-iimbot na paglilingkod sa mamamayan, pangunahin sa mga magsasaka sa kanayunan, at sa demokratikong rebolusyong bayan, nararapat na dakilain at pagpugayan ang mga Pulang Mandirigma ng BHB!

AFP at PNP: Tagapagpatupad ng Anti-Mamamayang All-Out War

Sa kabilang banda, ang mga berdugong sundalo ng AFP at pulis ng PNP ay instrumento ng reaksyunaryong gubyerno upang panatilihin ang mapagsamantalang kaayusan. Ginagamit ang mga sundalo at pulis upang bigyan ng proteksyon ang mga panginoong maylupa upang patuloy na makapangamkam ng lupain. Gayundin, binibigyan ng proteksyon ang mga malalaking kumpanya ng pagmimina upang patuloy na magpakasasa sa ating likas-yaman. Ang “to serve and protect” na slogan nito ay malinaw na hindi para sa mamamayan kundi para sa mga naghaharing-uri.

Sa Timog Katagalugan, ang mga sundalo ng AFP ay nagiging instrumento ng mga panginoong maylupa gaya ng mga Dy, Reyes, Yulo, at mga malaking burgesya komprador gaya ni Henry Sy upang supilin ang paglaban ng mga mamamayan. Halimbawa nito ay ang panunupil ng mga sundalo sa mga mamamayan sa Patungan sa Batangas at maraming bayan sa Bondoc Peninsula sa Quezon.

Simula ng ideklara ni Duterte, sa pangunguna ng kanyang Defense Chief na si Lorenzana, ang all-out war, sunod-sunod na ang aerial bombings o pambobomba sa mga kabundukan gamit ang mga eroplanong pandigma. Layunin nitong lipulin ang BHB ngunit ang napipinsala ay ang ating mga likas na yaman. Gayundin, nasisira ang kabuhayan ng mga mamamayan sa kanayunan at maging ang kanila mismong buhay ay nailalagay sa peligro. Marami ang napipilitang lumikas upang makaiwas sa kamatayan habang marami din naman ang sapilitang pinalilikas upang makapaglunsad ng mapanirang atake ang AFP.

Nababahiran naman ng dugo ngayon ang PNP dahil sa walang habas na pagpaslang sa mga maralita gamit ang kampanya laban sa droga. Libo-libo na ang mga napaslang na karamihan ay maralita at hindi dumaan sa makatarungang proseso. Habang ang malalaking tagapagtulak ng droga na bahagi din ng naghaharing-uri ay hindi napaparusahan. Nasasadlak sa mga anti-sosyal na gawain ang mamamayan dahil sa kawalan ng maayos na serbisyo mula sa reaksyunaryong gubyerno at sa kawalan ng disenteng trabaho na may nakabubuhay na sahod. Nagagamit pa nga ang kampanya laban sa droga upang magpatuloy din ang pampulitikang pamamaslang sa hanay ng mga militante, lider-aktibista, at ordinaryong mga mamamayan na pinagbibintangang kasapi ng BHB.

Sa mga pagawaan, inutil at katuwang pa nga ng mga kapitalista ang kapulisan sa pagsagka sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa. Sa mga sunod-sunod na welga at laban ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan, katuwang ang mga pulis sa paggamit ng dahas upang buwagin ang hanay ng mga manggagawa. Walang ampat din ang paniniktik sa mga lider ng kilusang paggawa na nagsusulong lamang ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Habang sa kanayunan, tulad sa Patungan, gamit din ni Henry Sy ang mga pulis upang palayasin ang mga mamamayan. Sa hanay ng mga maralita, katuwang ang mga pulis sa pagpapalayas sa kanila sa mga bahay na dapat ay ibinibigay ng gubyerno bilang serbisyo.

Malinaw na ang AFP at PNP ay mga institusyon na ginagamit at sinasanay ang mamamayang Pilipino na nabubulag nito sa mapagkunwaring diwa ng nasyunalismo at paglilingkod sa bayan. Bagama’t nabibiktima ang mga sundalo at pulis ng maling kaisipan at mababang pasahod, ang buong PNP, AFP at mga reaksyunaryong sundalo at pulis nito ay nararapat na itakwil sapagkat sila ang pangunahing gumagamit ng pasistang dahas upang bigyan ng proteksyon ang reaksyunaryong gubyerno at naghaharing-uri. Kapalit ng proteksyon na ito ang panunupil, paglabag sa karapatan, hanggang sa pagpaslang sa mga mamamayang tumitindig at nakikipaglaban para sa kanilang mga batayang karapatan.

Pakamahalin at Higit pang Palakasin ang BHB

Maraming beses ng nagpalit ng namumuno ang reaksyunaryong gubyerno ngunit walang kapayapaan at bagkus ay matinding ligalig ang nararanasan ng sambayanan. Ang digmang bayan na pangunahing inilulunsad ng BHB ay makatarungan at kailangan upang makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa. Makakamit ang kapayapaan kung namumuhay ang mamamayan ng may katarungan at paggalang sa kanilang mga batayang karapatan.

Sa ganitong kalagayan at layunin, nararapat na pakamahalin ang mga Pulang Mandirigma ng BHB. Sila ang mga dakilang mandirigma na hindi iniisip ang sarili at sa halip ay buong-giting na naglilingkod at nakikipagdigma para sa maaliwalas na bukas. Maaari natin silang padalhan ng mga sulat at mga kagamitan na makakatulong sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Dapat natin silang ipagtanggol laban sa walang batayan at mapanirang propaganda ng reaksyunaryong estado.

Higit sa pagkilala at pagmamahal sa kanilang kagitingan, kailangan ang higit pang pagpapalakas ng BHB upang ganap na maibagsak ang tatlong salot at ang buong reaksyunaryong gubyerno. Sa ating rehiyon, patuloy ang pagsapi sa BHB ng mga maralitang magsasaka at magbubukid at ng mga petiburgesyang lungsod sa pangunguna ng mga kabataang estudyante. Malaking hamon ngayon sa uring manggagawa na higit pang paramihin ang pagsapi sa BHB. Hindi matatapos ang tanikala ng pagkaalipin sa loob ng mga pagawaan sa ilalim ng kapitalistang sistema hangga’t hindi naibabagsak ang reaksyunaryong estado. Sumapi sa BHB at kamtin ang mas malalaki pang tagumpay tungo sa pagkakapatas at ganap na paglaya ng mga uring inaapi! Mag-ambag para sa paghawan ng landas tungo sa isang sosyalistang kaayusan! Ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyong bayan!

Mabuhay ang ika-48 anibersaryo ng BHB!

Biguin ang all-out war ng Rehimeng Duterte!

Manggagawa, sumapi sa BHB!

Pagtutuloy ng Peace Talks, Mahalaga para sa Tuluyang Pagwawakas ng Kontraktwalisasyon Habang Pinalalakas ang Armadong Paglaban

Nilalabanan ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) ang laganap at pahirap sa manggagawa na kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon batay sa paglakas at pagtatagumpay ng armadong pakikibaka.

Ang RCTU ay bahagi ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na mayroong 12-puntong programa para sa maka-mamamayang ekonomiya, pulitika, kultura at ugnayang panlabas ng bansa. Bahagi ng programa ang pambansang industriyalisasyon o pagtatayo ng mga batayang industriya na pinatatakbo ng gubyerno. Sa ganitong paraan, ang likas na yaman ay pinakikinabangan ng mga mamamayan at hindi ng iilang panginoong maylupa, malaking burgesya komprador o malaking lokal na kapitalista, at dayuhang monopolyo kapitalista.

Isinusulong ng RCTU ang pambansang industriyalisasyon sa pamamagitan ng pagsuporta sa at pagpapalakas ng armadong pakikibaka na pangunahing inilulunsad ng New People’s Army (NPA) sa kanayunan. Kailangan ito dahil ang reaksyunaryong gubyerno na nagpapatupad ng kontraktwalisasyon ay mayroong Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapanatili ng mapagsamantalang kaayusan sa bansa. Ang PNP at AFP ay kasangkapan ng mga kapitalista para patahimikin at supilin ang mga manggagawang kontraktwal maging ang mga manggagawang bukid na nag-oorganisa at lumalaban para sa kanilang mga karapatan na nakasaad din naman sa Batas Paggawa at Konstitusyon.

Sinusuportahan ng RCTU ang pagpasok ng NDFP sa peace talks upang ipakita sa Government of the Republic of the Philippines (GRP) ang kaseryosohan ng rebolusyonaryong kilusan sa pagwakas sa kontraktwalisasyon at iba pang programa at polisiya na pahirap sa mamamayan. Bago pa pumasok sa peace talks, buong giting na pinalalakas ng rebolusyonaryong kilusan ang kakayahan at pinalalaki ang kasapian ng NPA dahil ito ang pangunahing magtitiyak sa pagdurog ng kapitalistang sistema na nagluluwal ng kontraktwalisasyon at iba pang neoliberal na patakaran.

Ngayong ipagpapatuloy muli ang peace talks, hindi kailangang ibaba ang armas at bagkus ay kailangang palakasin pa nga dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit nao-obliga ang reaksyunaryong gubyerno na pumasok sa negosasyon at maging seryoso sa paglutas ng problema ng mga manggagawa at mamamayan. Kailangang patuloy na palakasin at ipagtagumpay ang armadong pakikibaka dahil malinaw na kahit kailan ay hindi wawakasan ng reaksyunaryong gubyerno ang kontraktwalisasyon hangga’t may impluwensya at dikta ng mga lokal at dayuhang kapitalista. Ang kongkretong halimbawa nito ay ang pagtutulak ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) sa “win-win solution” na diumano ay tatapos sa malawakang kontraktwal na paggawa. Ngunit kung susuriin, ang inihahapag na solusyon sa esensya ay pagbibigay ng bagong bihis at pagpapatuloy lamang ng kontraktwalisasyon.

Halos isang taon na simula ng magpahayag si Duterte noong panahon ng kampanya na papawiin ang kontraktwalisasyon ngunit, hanggang sa ngayon, patuloy ang pagdami ng mga kontraktwal at patuloy ang iligal na operasyon ng mga manpower agencies at service cooperatives. Maging yaong mga binigyan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng order na tumigil na ng operasyon at magsara na ay patuloy pa ring nakapanloloko ng mga walang muwang na manggagawa. Halimbawa nito ay ang DCMM sa Batangas at HD Manpower at Global Pro sa Laguna. Ang WorkTrusted, AMI, Sapphire, ANR, Blue Chips at marami pang iba ay napatunayang mga Labor Only Contracting (LOC) o iligal ang operasyon ngunit wala namang pangil ang DOLE at iba pang ahensya sa paggawa ng reaksyunaryong gubyerno upang parusahan ang mga ito at igawad ang hustisya at karampatang kompensasyon sa mga nabiktimang manggagawang kontraktwal.

Ang bagong labas na Department Order (DO) 174 ni Silvestre Bello ay mapanlinlang at mapagkunwaring may pangil sa pagpawi sa kontraktwal na paggawa. Sa esensya, pagpapanibagong bihis at pagpapatuloy lamang ito ng neoliberal na patakarang kontraktwalisasyon. Inutil din si Bello sa pagprotekta sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Sa halip, ipinakita n’ya sa pamamagitan ng DO174 ang kanyang maka-kapitalistang katangian. Sa pamamagitan n’ya, ipinakita ng GRP na hindi ito seryoso na wakasan ang kontraktwalisasyon sa kabila ng mga pangako at utos ni Duterte.

Ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na programa at agenda ng NDFP sa peace talks ang isa sa pag-asa ngayon ng manggagawang Pilipino para sa pagpawi ng kontraktwal na paggawa. Laman ng CASER ang komprehensibong programa upang tuluyang pawiin ang kontraktwalisasyon kasabay ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon.

Kung kaya, ang nalalapit na muling negosasyon ng peace talks ngayong Abril ay hamon kay Duterte na igiit ang kanyang maka-manggagawa at maka-mamamayang paninindigan sa mga sagadsagaring reaksyunaryo sa gubyernong kanyang pinamumunuan. Dapat nating tingnan na ang pagtatagumpay ng peace talks para sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon ay nakabatay sa kakayahan ni Duterte na pamunuan ang buong reaksyunaryong gubyerno na pumanig para sa kapakanan ng mga pinahihirapang mamamayan at hindi ng iilang mapagsamantalang kapitalista at panginoong maylupa. Sa kalagayang hindi pa ito nagaganap, hindi maiiwasan at may pangangailangan sa pagpapalakas ng armadong paglaban. ###

NEW PEOPLE’S ARMY: Tunay na Hukbo ng Mamamayan, Nagtataguyod ng Kapayapaang Nakabatay sa Katarungan

Ang NPA o New People’s Army ay naglulunsad ng armadong pakikibaka para sa mga magsasaka, manggagawa at mahihirap na mamamayang Pilipino.

Isinusulong ng NPA ang digmang bayan sa kanayunan upang hakbang-hakbang na wakasan ang mga sosyo at ekonomikong ugat ng kahirapan, problema sa droga, kawalan ng lupa, at pagpapakaalipin sa pang-ekonomiyang interes ng mga dayuhan. Ang mga pundamental na problemang ito ang pangunahing dahilan kung bakit mayroong usapang pangkapayapaan o peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Biglaang Kanselasyon ng Peace Talks

Sa halip na ipagpatuloy ang magandang daloy ng peace talks upang pag-usapan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER), bigla itong kinansela ni Duterte, ibinasura ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), at binansagan ang Communist Party of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) bilang teroristang organisasyon alinsunod sa dikta ng imperyalistang Estados Unidos. Nilalaman ng CASER ang mga reporma sa ekonomiya at serbisyong panlipunan na naglalayong pagbutihin ang pamumuhay ng mga Pilipino. Habang ang JASIG ay nagpoprotekta sa mga NDFP peace consultants upang malayang makipag-negosasyon sa GRP at makamit ang sosyo-ekonomikong programa na tunay na magsisilbi sa milyon-milyong Pilipino.

Hindi papasok sa isang bilateral ceasefire agreement ang NDFP hangga’t hindi pinalalaya ang mahigit 400 detenidong pulitikal na komitment ni Duterte noong nakaraang Disyembre. Ito ang ginawang dahilan ni Duterte upang kanselahin ang peace talks dahil diumano ay mawawalan na s’ya ng alas at mawawalan na ng dahilan ang NDFP na makipagnegosasyon. Hindi ito usapin ng simpleng pagtupad sa pangako. Ang mga detenidong pulitikal ay hindi armado at maraming taon ng nakakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso na walang matibay na batayan. Sila ay mga aktibong nagsusulong ng karapatan ng mamamayan ngunit pinatatahimik ng reaksyunaroyng gubyerno sa pamamagitan ng pagpiit sa kanila.

Malinaw na hindi seryoso ang rehimeng Duterte sa peace talks. Hindi ito seryoso sa pag-resolba sa laganap na kahirapan at pagsasamantala ng iilan sa milyon-milyong mamamayan. Ang mga ito rin ang dahilan kung bakit patuloy na dumarami ang mga magsasaka, manggagawa at kabataan na sumasapi sa NPA. Nakikita nila na tanging sa paggamit lang ng armas tunay na mawawakasan ang ssitematikong paghihirap ng sambayanan.

Marahas ang Tunay na Pagbabago

Marahas ang armadong pakikibaka ng mga NPA dahil marahas din ang reaksyunaryong gubyerno at mga instrumento nito ng pasismo – Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Karahasan din ang ginagamit ng AFP upang sila ay lipulin. Ang kaibahan, ang AFP ay nagtatago sa likod ng layuning paglingkuran at protektahan diumano ang mamamayan. Subalit sa katotohanan, ang ipinagtatanggol nila ay ang mga malaking burgesya komprador gaya nina Henry Sy at Lucio Tan, mga dayuhang monoplyo kapitalista, at mga malaking panginoong maylupa gaya ng mga Cojuangco, Enrile, Yulo, Dy at Reyes. Pinipiga ng mga kapitalista ang mga manggagawa para sa higanteng tubo kapalit ng barat na sahod at hindi makataong kundisyon at patakaran sa paggawa. Inaalipin naman ng mga panginoong maylupa ang maliliit at maralitang magsasaka sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa at hindi makataong hatian sa ani. Ang mga ito ang totoong pinoprotektahan ng AFP at PNP gamit ang kanilang armas. Kung kaya higit na makatarungan na isulong din ng NPA ang armadong pakikibaka dahil itinataguyod nito ang karapatan ng mga inaaping uri.

Hindi si Duterte ang maghahawan ng landas para sa tunay na pagbabago. Malinaw ito sa mga pinakahuli n’yang pahayag at maniobra sa peace talks. Bagama’t may mga progresibong pahayag noong nakaraan, hindi s’ya nanindigan laban sa dikta ni Delfin Lorenzana, Defense Secretary, na pinakapangunahing tuta ngayon ng Estados Unidos. Sinabotahe nito ang pagsulong ng peace talks at nag-deklara ng all-out war laban sa CPP-NPA-NDFP.

Si Lorenzana ay sinanay ng US State Department para sa crisis management. Dahil sa kanyang pagpapakatuta, ginawaran s’ya ng US Armed Forces ng Legion of Merit. Marami din sa mga heneral ng AFP ngayon ay dumaan sa pagsasanay ng imperyalistang Estados Unidos. Noong panahong positibo ang pag-usad ng peace talks, pinangunahan ni Lorenzana ang combat operations ng AFP laban sa NPA sa mahigit 500 baryo sa buong bansa. Patunay ito na walang palya ang AFP sa paglabag maging sa unilateral ceasefire ng sarili nitong reaksyunaryong gubyerno. Huling bahagi ng 1980s ng nagsimula ang mahigpit na relasyon ni Lorenzana kay Duterte. Hindi kataka-taka kung gayon na kinansela ni Duterte ang peace talks.

Laos na ang All-out War

Rehimeng Cory Aquino ang unang nagdeklara ng all-out war laban sa CPP-NPA-NDFP. Ginawa din ito ng rehimeng Estrada ngunit parehong nabigo. Sa pagpapalit ng mga rehimen, tumitindi ang pagiging reaksyunaryo ng gubyerno. Lumalaki ang yaman ng iilang pamilya habang lalong nasasadlak sa hindi katanggap-tanggap na kahirapan ang malaking bahagi ng populasyon. Ang pagkabigo ng mga rehimen sa nakaraan at ang lalong pagsasamatala sa mamamayan ang katunayang laos na ang all-out war. Magpapatuloy ang armadong rebolusyon hangga’t patuloy na pinahihirapan ang sambayanan.

Sa halip na ipagpatuloy ang peace talks, idineklara ang all-out war na nag-anak ng mga reaksyunaryong polisiya gaya ng mandatory ROTC. Oobligahin ang mga kabataan na maging bahagi ng reserbang hukbo ng bansa gamit ang panawagang isabuhay ang diwa ng nasyunalismo.

Reaksyunaryong Diwa ng Nasyunalismo

Makatarungan ang nagaganap na demokratikong rebolusyong bayan dahil layunin nito na palayain ang sambayanan sa bulok na sistema ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Makatao ito dahil layunin nitong ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo – mga dahilan ng kahirapan na pinananatili ng reaksyunaryong gubyerno.

Subalit sa halip na kilalanin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng peace talks, pinipilit ngayon ng rehimeng Duterte sa dikta ng tuta ng Estados Unidos na si Lorenzana na maliitin ang NPA at buong rebolusyonaryong kilusan. Pinalalabas na teroristang grupo na maghahasik lamang ng kaguluhan sa bansa. Dahil dito, Iginigiit ang mandatory ROTC upang diumano ay lumakas pa ang depensa ng bansa laban sa banta ng terorismo. Isa diumano itong diwa ng pagiging makabayan.

Ang pagiging bahagi ng ROTC, PNP at AFP ay bulag na pagsasabuhay sa diwa ng nasyunalismo. Reaksyunaryo ang katangian ng ganitong tipo ng pagiging makabayan dahil ginagawang instrumento ang ROTC, PNP at AFP upang protektahan ang interes ng malalaking lokal at dayuhang negosyante at malaking panginoong maylupa na karamihan ay mga tradisyunal na pulitiko din. Habang ang mga pulis, sundalo at kabataang bahagi ng ROTC ay napagsasamantalahan din dahil sa maliit na sahod at sa sistema ng disiplinang yumuyurak sa kanilang dangal at dignidad. Isinusubo sila sa gyera sa kaisipang ipinagtatanggol nila ang bansa ngunit ang mga naghaharing-uri na kanilang pinaglilingkuran ay nagpapakasasa sa yaman ng bansa na nagmula sa buwis ng mamamayan at sa kalikasan.

Makatarungan ang Armadong Paglaban, Sumapi sa NPA

Natural na titigil ang armadong rebolusyon kung mayroong kapayapaang nakabatay sa katarungan. Magkakaroon ng kapayapaan sa bansa kung ang mamamayan ay nabubuhay ng may tunay na katarungan. Mangyayari ito kung may libreng pamamahagi ng lupa sa milyon-milyong magsasaka at maayos na programa ng gubyerno para sa pag-unlad ng agrikultura; pagtatayo ng mga bayatang industriya gaya ng bakal, gamot, langis, pagkain, at iba pa na pinapatakbo ng gubyerno upang magkaroon ng tunay na pambansang industriyalisasyon; at, maayos na sistema ng serbisyong panlipunan gaya ng libreng edukasyon, libreng serbisyong medikal, at libreng pabahay. Ang pagsusulong ng mga ito ay hindi gawain ng isang teroristang grupo. Gawain ito ng NPA at ng buong rebolusyonaryong kilusan.

Malinaw kung gayon na ang dahas na ginagamit ng NPA ay makatarungan habang ang sa AFP at buong reaksyunaryong gubyerno ay lumalabag sa karapatang pantao. Ang NPA ang hukbong tunay na nagsisilbi sa mamamayan at nag-aasam ng makatarungang kapayapaan habang ang AFP ay nagsisilbi para sa kasakiman ng iilan.

Sa pagkansela ng peace talks at pagdeklara ng all-out war, nasa kamay ng mamamayang deka-dekada ng pinagsasamantalahan at inaapi ang pagbabago sa kanilang dayukdok na kalagayan. Higit pang palakasin ang tunay na hukbo ng bayan! Sumapi sa NPA at ibagsak ang reaksyunaryong estado para sa pagkakamit ng tunay na pagbabago at kapayapaang nakabatay sa katarungan! ###

Sunog sa HTI: tipo ng insidenteng paulit-ulit na mangyayari sa ilalim ng kapitalistang sistema

Mariing kinukondena ng Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST) ang kapabayaan ng kapitalistang Home Technology Industries (HTI) matapos na masugatan ang mahigit 100 manggagawa nito habang maraming iba pa ang hindi pa nakikita na maaaring nasawi nang masunog ang isang gusali nito sa Export Processing Zone Authority (EPZA), General Trias, Cavite.

Tumpak ang pahayag ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) na kalusugan at buhay ng mga manggagawa ang naisasakripisyo dahil sa kawalan ng occupational and safety standards ng mga pabrika. Tulad sa HTI, maraming pabrika sa mga engklabo o economic zones ang walang maayos at epektibong pamamaraan para protektahan ang mga manggagawa sa panahon ng sakuna. Libo-libong manggagawa ang kayod-kabayo nang walang matinong personal protective equipment habang ang mga kapitalista naman ay nagpapakasasa sa bilyon-bilyong pisong tubo mula sa kanilang barat na lakas-paggawa.

Halos dalawang araw na matapos ang sunog ngunit hindi pa din malinaw kung ilan na ang kabuuang bilang ng nasugatan, nalapnos ang balat at bilang ng namatay. Ayon sa mga nakausap na manggagawa ng HTI, tumatalon ang mga kapwa nila manggagawa na nasa ikalawa at ikatlong palapag matapos magkaroon ng pagsabog na nagsimula ng malaking sunog sa unang palapag ng panel building.

Dapat nating suportahan ang iginigiit ng GABRIELA na magkaroon ng transparency sa imbestigasyon ng insidente. Malaki ang posibilidad na marami ang namatay dahil hindi pinapayagang makapasok ang mga volunteers at media sa lugar ng insidente. Ayon sa provincial government, nasa 6,000 ang manggagawa ng HTI habang may mga nakausap na manggagawa na nagsasabing nasa 12,000 ang kabuuang bilang ng manggagawa.

Noong 2015, umabot sa 72 manggagawa ang namatay matapos masunog ang pabrika ng Kentex. Dulot din ito ng kapabayaan sa kalusugan at kawalang pagpapahalaga sa buhay ng mga manggagawa habang pilit silang pinipiga para sa higanteng tubo.

Ayon kay Fortunato Magtanggol, tagapagsalita ng RCTU-ST, “Hindi matatapos sa HTI ang pagkasunog ng mga pabrika hangga’t umiiral ang mapagsamantala at mapanirang sistema ng kapitalismo. Bunga ng mga neoliberal na patakaran at patuloy na paghigpit ng kompetisyon sa pandaigdigang kalakalan, tumutungo ang mga kapitalista sa pagpapabaya hindi lang sa kalusugan kundi maging sa buhay ng mga manggagawa matiyak lang na sila ay nakapagkakamal ng sobra-sobrang tubo.”

“Tanging sa pagkakaroon lamang ng tunay na pambansang industriyalisasyon sa ilalim ng sosyalistang sistema mapo-protektahan ang kalusugan at buhay ng mga manggagawa. Kailangang maitayo ang mga industriya na pinapatakbo ng gubyerno. Sa ganitong kalagayan, hindi pinagta-trabaho ang mga manggagawa para sa higanteng tubo na pinagpapasasaan lamang ng iilang kapitalista. Sa halip, nagtatrabaho sila ng may dignidad para magkaroon ng disenteng pamumuhay at para mag-ambag sa tunay na pag-unlad ng bansa at mamamayang Pilipino,” dagdag pa ni Magtanggol.

Ang pambansang industriyalisasyon ay bahagi ng CASER o Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms na pinag-uusapan ngayon sa peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) kung saan ang RCTU ay isa sa mga alyadong organisasyon. Ang NDFP ang pangunahing nagsusulong ng pambansang industriyalisasyon sa nagaganap na usapang pangkapayapaan.

Ipinapakita ng sunog sa HTI na hindi makakamit ang pambansang industriyalisasyon hangga’t ang reaksyunaryong gubyerno at mga ahensya nito tulad ng DOLE at PEZA ay walang pangil sa pagpapanagot sa mga kapitalista. Sa katunayan, instrumento ang mga ahensyang ito upang ligal na mapagsamantalahan ng mga kapitalista ang manggagawang Pilipino.

“Tanging sa patuloy na pagsusulong at higit pang pagpapalakas ng armadong pakikibaka lamang mawawakasan ang mga sunog ng kapitalistang sistema na kumikitil sa libo-libong buhay ng manggagawa,” pagtatapos ni Magtanggol. ###

Ang larawan sa itaas ay mula sa Manila Bulletin.