Nilalabanan ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) ang laganap at pahirap sa manggagawa na kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon batay sa paglakas at pagtatagumpay ng armadong pakikibaka.

Ang RCTU ay bahagi ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na mayroong 12-puntong programa para sa maka-mamamayang ekonomiya, pulitika, kultura at ugnayang panlabas ng bansa. Bahagi ng programa ang pambansang industriyalisasyon o pagtatayo ng mga batayang industriya na pinatatakbo ng gubyerno. Sa ganitong paraan, ang likas na yaman ay pinakikinabangan ng mga mamamayan at hindi ng iilang panginoong maylupa, malaking burgesya komprador o malaking lokal na kapitalista, at dayuhang monopolyo kapitalista.

Isinusulong ng RCTU ang pambansang industriyalisasyon sa pamamagitan ng pagsuporta sa at pagpapalakas ng armadong pakikibaka na pangunahing inilulunsad ng New People’s Army (NPA) sa kanayunan. Kailangan ito dahil ang reaksyunaryong gubyerno na nagpapatupad ng kontraktwalisasyon ay mayroong Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapanatili ng mapagsamantalang kaayusan sa bansa. Ang PNP at AFP ay kasangkapan ng mga kapitalista para patahimikin at supilin ang mga manggagawang kontraktwal maging ang mga manggagawang bukid na nag-oorganisa at lumalaban para sa kanilang mga karapatan na nakasaad din naman sa Batas Paggawa at Konstitusyon.

Sinusuportahan ng RCTU ang pagpasok ng NDFP sa peace talks upang ipakita sa Government of the Republic of the Philippines (GRP) ang kaseryosohan ng rebolusyonaryong kilusan sa pagwakas sa kontraktwalisasyon at iba pang programa at polisiya na pahirap sa mamamayan. Bago pa pumasok sa peace talks, buong giting na pinalalakas ng rebolusyonaryong kilusan ang kakayahan at pinalalaki ang kasapian ng NPA dahil ito ang pangunahing magtitiyak sa pagdurog ng kapitalistang sistema na nagluluwal ng kontraktwalisasyon at iba pang neoliberal na patakaran.

Ngayong ipagpapatuloy muli ang peace talks, hindi kailangang ibaba ang armas at bagkus ay kailangang palakasin pa nga dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit nao-obliga ang reaksyunaryong gubyerno na pumasok sa negosasyon at maging seryoso sa paglutas ng problema ng mga manggagawa at mamamayan. Kailangang patuloy na palakasin at ipagtagumpay ang armadong pakikibaka dahil malinaw na kahit kailan ay hindi wawakasan ng reaksyunaryong gubyerno ang kontraktwalisasyon hangga’t may impluwensya at dikta ng mga lokal at dayuhang kapitalista. Ang kongkretong halimbawa nito ay ang pagtutulak ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) sa “win-win solution” na diumano ay tatapos sa malawakang kontraktwal na paggawa. Ngunit kung susuriin, ang inihahapag na solusyon sa esensya ay pagbibigay ng bagong bihis at pagpapatuloy lamang ng kontraktwalisasyon.

Halos isang taon na simula ng magpahayag si Duterte noong panahon ng kampanya na papawiin ang kontraktwalisasyon ngunit, hanggang sa ngayon, patuloy ang pagdami ng mga kontraktwal at patuloy ang iligal na operasyon ng mga manpower agencies at service cooperatives. Maging yaong mga binigyan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng order na tumigil na ng operasyon at magsara na ay patuloy pa ring nakapanloloko ng mga walang muwang na manggagawa. Halimbawa nito ay ang DCMM sa Batangas at HD Manpower at Global Pro sa Laguna. Ang WorkTrusted, AMI, Sapphire, ANR, Blue Chips at marami pang iba ay napatunayang mga Labor Only Contracting (LOC) o iligal ang operasyon ngunit wala namang pangil ang DOLE at iba pang ahensya sa paggawa ng reaksyunaryong gubyerno upang parusahan ang mga ito at igawad ang hustisya at karampatang kompensasyon sa mga nabiktimang manggagawang kontraktwal.

Ang bagong labas na Department Order (DO) 174 ni Silvestre Bello ay mapanlinlang at mapagkunwaring may pangil sa pagpawi sa kontraktwal na paggawa. Sa esensya, pagpapanibagong bihis at pagpapatuloy lamang ito ng neoliberal na patakarang kontraktwalisasyon. Inutil din si Bello sa pagprotekta sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Sa halip, ipinakita n’ya sa pamamagitan ng DO174 ang kanyang maka-kapitalistang katangian. Sa pamamagitan n’ya, ipinakita ng GRP na hindi ito seryoso na wakasan ang kontraktwalisasyon sa kabila ng mga pangako at utos ni Duterte.

Ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na programa at agenda ng NDFP sa peace talks ang isa sa pag-asa ngayon ng manggagawang Pilipino para sa pagpawi ng kontraktwal na paggawa. Laman ng CASER ang komprehensibong programa upang tuluyang pawiin ang kontraktwalisasyon kasabay ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon.

Kung kaya, ang nalalapit na muling negosasyon ng peace talks ngayong Abril ay hamon kay Duterte na igiit ang kanyang maka-manggagawa at maka-mamamayang paninindigan sa mga sagadsagaring reaksyunaryo sa gubyernong kanyang pinamumunuan. Dapat nating tingnan na ang pagtatagumpay ng peace talks para sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon ay nakabatay sa kakayahan ni Duterte na pamunuan ang buong reaksyunaryong gubyerno na pumanig para sa kapakanan ng mga pinahihirapang mamamayan at hindi ng iilang mapagsamantalang kapitalista at panginoong maylupa. Sa kalagayang hindi pa ito nagaganap, hindi maiiwasan at may pangangailangan sa pagpapalakas ng armadong paglaban. ###

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s