15774900_1259606737432611_280526190742605705_o

Taas-kamaong binabati ng Revolutionary Council of Trade Unions – National Democratic Front of the Philippines – Southern Tagalog (RCTU-NDFP-ST) ang ika-48 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang hindi matatawarang pagsisikap nito upang ipagtanggol ang mga pinagsasamantalahang uri!

Sa loob ng halos limang dekada, pinatunayan ng Partido ang kanyang dakila at dalisay na layunin upang palayain ang sambayanan mula sa tatlong salot – ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na mga pangunahing dahilan ng laganap na kahirapan sa bansa. Bagama’t nagkaroon ng paglihis, oportunismo, rebisyonismo, at iba pang kahinaan at kamalian sa ilang grupo at kasapi, natiyak ng Partido ang pamumuno nito at pagtahak sa tamang landas sa pamamagitan ng mahigpit na pagtangan at pagsasapraktika sa mga unibersal na teorya ng Marxismo, Leninismo at Maoismo.

Sa nakaraang anim na taon, sunod-sunod at matitindi ang pananalasa ng reaksyunaryong estado. Mula sa kawalan at pagkakait ng mga serbisyong panlipunan hanggang sa mga pampulitikang pamamaslang at masaker, ang mamamayan na kalakhan ay magsasaka, manggagawa at pambansang minorya ang nagiging biktima at lalong nasasadlak sa buhay na walang dignidad at paggalang sa karapatang pantao.

Patuloy ang pananalasa ng Oplan Bayanihan.

Inilunsad ng Rehimeng US-Aquino II ang Oplan Bayanihan upang diumano ay labanan ang terorismo at ang patuloy na paglawak ng Bagong Hukbong Bayan. Umabot sa 60% o 55 batalyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ikinalat sa Mindanao para daw lipulin ang mga teroristang grupo tulad ng Abu Sayaff. Sa halip, nagsilbing taga-protekta ng malalaking dayuhang kumpanya ng pagmimina ang mga reaksyunaryong sundalo. Nagresulta ito sa pagpapalayas at pagpaslang sa mga lumad na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno at tutol sa mapanirang pagmimina na yumuyurak sa ating soberanya.

Sa Timog Katagalugan, umabot sa 28 batalyon ang ikinalat na karamihan ay naghasik ng karahasan sa mga probinsya ng Quezon, Batangas at Mindoro. Libo-libong magsasaka at katutubo ang napilitan ding lumikas at lalong nasadlak sa kahirapan dahil pinalayas sa lupa na nagbibigay sa kanila ng buhay.

Sa hanay ng mga maralita at manggagawa sa kalunsuran, instrumento ang mga rekasyunaryong sundalo sa pagsasakatuparan ng mga malawakang demolisyon upang bigyang daan ang pagtatayo ng mga negosyo at imprastraktura na pabor lamang sa mga dayuhan at lokal na kapitalista tulad nina Henry Sy at Lucio Tan. Instrumento din ng mga kapitalista at estado ang reaksyunaryong sundalo at pulis o Philippine National Police (PNP) sa pagdurog sa lakas at pagkakaisa ng mga manggagawa. Karaniwan silang makikitang binubuwag ang mga piketlayn upang dahasin ang mga manggagawang nakikipaglaban sa kanilang mga karapatang hindi iginagalang kahit nakasaad na sa Batas Paggawa at Konstitusyon. Ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit dumadami ang mga manggagawang naglulunsad ng welga.

Makapangyarihan ngunit may hangganan ang welga.

Simula 2015, muling dumarami ang manggagawang namumulat sa welga bilang pinakamataas na porma ng parliyamento o ligal na pakikibaka. Mula sa welga ng mga kontraktwal sa Tanduay, lumaganap sa mga manggagawa ng MCC, MSI, SIDC at iba pang pagawaan sa Timog Katagalugan ang pananaw hinggil sa kapangyarihan ng welga na paralisahin ang produksyon, pansamantalang itayo at pairalin ang gubyerno ng mga manggagawa, isandal sa pader ang kapitalista at itulak na ibigay sa mga manggagawa ang nakabubuhay na sahod, makatarungang benepisyo at maayos na pagtrato at kondisyon sa paggawa.

Primaryang dahilan ng sunod-sunod na welga ang laganap na kontraktwalisasyon na higit na nagpapababa sa dignidad ng mga manggagawa sa pamamagitan ng lalo pang pagbarat sa halaga ng kanilang lakas-paggawa. Sa mahigit 24 milyong manggagawa sa buong bansa, halos 65% dito ang mga kontraktwal habang sa Timog Katagalugan, maraming mga pagawaan ang nag-e-empleyo ng 70% hanggang 90% manggagawang kontraktwal.

Nagtagumpay ang mga welga sa Timog Katagalugan ngunit walang pangil ang Department of Labor and Employment (DOLE) para ipatupad ang kanilang mga inilabas na desisyon para sa pagpapabalik at pagreregularisa sa trabaho ng mga nakawelgang manggagawa. Ipinapakita nito kung kanino totoong nagsisilbi ang rekasyunaryong gubyerno at mga ahensya nito tulad ng DOLE. Hindi magbabago ang sagad-sagaring anti-manggagawang katangian ng estado hangga’t walang tunay na demokratikong programa para sa mamamayan tulad ng pambansang industriyalisasyon.

Pambansang industriyalisasyon ang papawi sa kontraktwalisasyon.

Mayroong tunay na pambansang industriyalisasyon kung may mga batayang industriya tulad ng bakal na pinapatakbo ng gubyerno at hindi ng mga kapitalista. Titiyakin nito na mayroong disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod at maayos na kondisyon sa paggawa ng hindi winawasak ang kalikasan. Kasama ang iba pang demokratikong programa tulad ng repormang agraryo, titiyakin nito na ang yaman ng bansa ay mapakikinabangan ng mamamayang naghihirap at hindi ng iilang nagpapakasasa dito sa loob ng mahabang panahon.

Ngunit ang pambansang industriyalisasyon ay hindi makakamit sa paglulunsad lamang ng welga. Hindi nito kayang baguhin ang reaksyunaryong katangian ng estado na nananatiling nakapaghahari dahil sa pasismong inihahasik nito gamit ang AFP, PNP, burges na korte at mga kulungan. Maitatayo lamang ang mga batayang industriya at mawawakasan ang kontraktwal na paggawa sa pagpapatuloy, pagpapalakas at pagtitiyak ng tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Sa puntong ito ng digmang bayan, malaking salik sa pagtatagumpay ng rebolusyon ang higit pang pagpapalakas at pagpapalaki ng bilang ng mga Pulang Mandirigma o Bagong Hukbong Bayan.

Mahalaga ang papel ng uring manggagawa sa pagpapalakas ng Bagong Hukbong Bayan.

Bagama’t rebolusyonaryo, hindi maitatanggi ang limitasyon ng welga. Mananatiling biktima ng kapitalistang pagsasamantala ang mga manggagawa kung hindi ito tatangan ng armas upang mag-ambag at mamuno sa pagpapabagsak ng reaksyunaryong estado. Sa paglahok sa armadong pakikibaka lamang matitiyak ng uring manggagawa ang pagkakaroon ng tunay na pambansang industriyalisasyon at mga demokratikong programa ng NDFP. Kung kaya kailangang tugunan ng uring manggagawa ang mahigpit nitong tungkulin na pamunuan ang rebolusyon upang matiyak ang tagumpay sa nalalapit na hinaharap. Dapat na tiyakin ng pinakasulong na uri ang sunod-sunod at maramihang pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Kung kaya nararapat din na bigyan ng pagkilala at pagpupugay ang mga manggagawang tumangan ng armas at nag-ambag ng kanilang buhay sa rebolusyong Pilipino. Itaas natin ang ating mga kamao para kina Rechel “Ka Minda“ Tanteo, Norman “Ka Edwin” De Castro, “Ka Romy” mula sa AsiaTex, at Darwin “Ka Rio” Amay. Ang mga pagkamatay ng gaya sa kanila ay hindi maiiwasan sa isang rebolusyong ang hangad ay kabutihan ng milyon-milyong pinahihirapang Pilipino. Ang buhay nila ay hindi nasayang at sa halip ay naging matitibay na maso na nagpapanday ng isang lipunang malaya sa pagsasamantala ng mga kapitalista at ibang naghaharing-uri.

Sa ika-48 anibersaryo ng ating pinakamamahal na Partido, ang higit na mataas na antas na pagpupugay ng uring manggagawa ay ang higit pang pagsisikap nito upang palakihin ang kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas at palakihin ang kasapian ng Bagong Hukbong Bayan upang signipikanteng mag-ambag sa pagkakamit ng pagkakapatas. Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Manggagawa, tiyakin ang ating maaliwalas na bukas! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s