Pagpugayan ang New People’s Army, Biguin ang Anti-Mamamayang All-Out War ng Rehimeng Duterte

Pulang saludo at pinakamataas na pagpupugay sa mga Pulang Mandirigma ng New People’s Army (NPA) at ika-48 anibersaryo nito ang ipinapaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST)! Patuloy ang paglakas ng tunay na hukbo ng mamamayang Pilipinong inaapi sa kabila ng todo-gerang pakana ng Rehimeng Duterte sa pamamagitan ng tuta ng imperyalistang Estados Unidos na reaksyunaryong hukbo nito – ang Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang Philippine National Police (PNP).

Pagpugayan ang Bagong Hukbong Bayan

Itinatag noong Marso 29, 1969, 48 taon ng nagsisilbi sa mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi ang NPA o Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang ating mga Pulang Madirigma ay mga kapwa natin na dating inaapi at nag-aasam din ng tunay na pagbabago. Sila ay mga magsasakang inaagawan ng lupa, mga manggagawang pinipiga ng kapitalista para sa tubo, mga estudyante na pinagkakaitan ng libre at de-kalidad na edukasyon, mga maralita na pinapalayas sa kanilang tirahan, at iba pang sektor na pinagsasamantalahan ngunit nagpasyang tumangan ng armas upang ipagtanggol ang mga inaaping uri at ibagsak ang bulok na estado para sa paghawan ng landas tungo sa tunay na pagbabago.

Nararapat na pagpugayan ang BHB dahil sa walang kaparis na paglilingkod nito sa mamamayan. Sa kanayunan, makatarungan nitong ipinapatupad ang libreng pamamahagi ng lupa – isang programa na hindi nagawa ng reaksyunaryong gubyerno gamit ang halos tatlong dekada nito ng reporma sa lupa na pinakamagastos at pinakamahaba sa buong mundo. Naglulunsad din ang BHB ng serbisyong medikal, pag-aaral ng literasiya at numero, at iba pang mga serbisyong ipinagkakait ng estado. Tumutulong din ang BHB sa mga gawain sa produksyon gaya ng paghahanda ng lupa, pagtatanim at hanggang sa pag-ani.

Ang ating mga mandirigma sa BHB ay tunay na dakila sapagkat mapagpasya nilang isinantabi ang kanilang mga pansariling interes at buo ang loob at buong-tatag na iniaalay ang sarili para sa pagpapalaya ng sambayanang Pilipino mula sa tatlong salot – imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Dahil sa walang pag-iimbot na paglilingkod sa mamamayan, pangunahin sa mga magsasaka sa kanayunan, at sa demokratikong rebolusyong bayan, nararapat na dakilain at pagpugayan ang mga Pulang Mandirigma ng BHB!

AFP at PNP: Tagapagpatupad ng Anti-Mamamayang All-Out War

Sa kabilang banda, ang mga berdugong sundalo ng AFP at pulis ng PNP ay instrumento ng reaksyunaryong gubyerno upang panatilihin ang mapagsamantalang kaayusan. Ginagamit ang mga sundalo at pulis upang bigyan ng proteksyon ang mga panginoong maylupa upang patuloy na makapangamkam ng lupain. Gayundin, binibigyan ng proteksyon ang mga malalaking kumpanya ng pagmimina upang patuloy na magpakasasa sa ating likas-yaman. Ang “to serve and protect” na slogan nito ay malinaw na hindi para sa mamamayan kundi para sa mga naghaharing-uri.

Sa Timog Katagalugan, ang mga sundalo ng AFP ay nagiging instrumento ng mga panginoong maylupa gaya ng mga Dy, Reyes, Yulo, at mga malaking burgesya komprador gaya ni Henry Sy upang supilin ang paglaban ng mga mamamayan. Halimbawa nito ay ang panunupil ng mga sundalo sa mga mamamayan sa Patungan sa Batangas at maraming bayan sa Bondoc Peninsula sa Quezon.

Simula ng ideklara ni Duterte, sa pangunguna ng kanyang Defense Chief na si Lorenzana, ang all-out war, sunod-sunod na ang aerial bombings o pambobomba sa mga kabundukan gamit ang mga eroplanong pandigma. Layunin nitong lipulin ang BHB ngunit ang napipinsala ay ang ating mga likas na yaman. Gayundin, nasisira ang kabuhayan ng mga mamamayan sa kanayunan at maging ang kanila mismong buhay ay nailalagay sa peligro. Marami ang napipilitang lumikas upang makaiwas sa kamatayan habang marami din naman ang sapilitang pinalilikas upang makapaglunsad ng mapanirang atake ang AFP.

Nababahiran naman ng dugo ngayon ang PNP dahil sa walang habas na pagpaslang sa mga maralita gamit ang kampanya laban sa droga. Libo-libo na ang mga napaslang na karamihan ay maralita at hindi dumaan sa makatarungang proseso. Habang ang malalaking tagapagtulak ng droga na bahagi din ng naghaharing-uri ay hindi napaparusahan. Nasasadlak sa mga anti-sosyal na gawain ang mamamayan dahil sa kawalan ng maayos na serbisyo mula sa reaksyunaryong gubyerno at sa kawalan ng disenteng trabaho na may nakabubuhay na sahod. Nagagamit pa nga ang kampanya laban sa droga upang magpatuloy din ang pampulitikang pamamaslang sa hanay ng mga militante, lider-aktibista, at ordinaryong mga mamamayan na pinagbibintangang kasapi ng BHB.

Sa mga pagawaan, inutil at katuwang pa nga ng mga kapitalista ang kapulisan sa pagsagka sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa. Sa mga sunod-sunod na welga at laban ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan, katuwang ang mga pulis sa paggamit ng dahas upang buwagin ang hanay ng mga manggagawa. Walang ampat din ang paniniktik sa mga lider ng kilusang paggawa na nagsusulong lamang ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Habang sa kanayunan, tulad sa Patungan, gamit din ni Henry Sy ang mga pulis upang palayasin ang mga mamamayan. Sa hanay ng mga maralita, katuwang ang mga pulis sa pagpapalayas sa kanila sa mga bahay na dapat ay ibinibigay ng gubyerno bilang serbisyo.

Malinaw na ang AFP at PNP ay mga institusyon na ginagamit at sinasanay ang mamamayang Pilipino na nabubulag nito sa mapagkunwaring diwa ng nasyunalismo at paglilingkod sa bayan. Bagama’t nabibiktima ang mga sundalo at pulis ng maling kaisipan at mababang pasahod, ang buong PNP, AFP at mga reaksyunaryong sundalo at pulis nito ay nararapat na itakwil sapagkat sila ang pangunahing gumagamit ng pasistang dahas upang bigyan ng proteksyon ang reaksyunaryong gubyerno at naghaharing-uri. Kapalit ng proteksyon na ito ang panunupil, paglabag sa karapatan, hanggang sa pagpaslang sa mga mamamayang tumitindig at nakikipaglaban para sa kanilang mga batayang karapatan.

Pakamahalin at Higit pang Palakasin ang BHB

Maraming beses ng nagpalit ng namumuno ang reaksyunaryong gubyerno ngunit walang kapayapaan at bagkus ay matinding ligalig ang nararanasan ng sambayanan. Ang digmang bayan na pangunahing inilulunsad ng BHB ay makatarungan at kailangan upang makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa. Makakamit ang kapayapaan kung namumuhay ang mamamayan ng may katarungan at paggalang sa kanilang mga batayang karapatan.

Sa ganitong kalagayan at layunin, nararapat na pakamahalin ang mga Pulang Mandirigma ng BHB. Sila ang mga dakilang mandirigma na hindi iniisip ang sarili at sa halip ay buong-giting na naglilingkod at nakikipagdigma para sa maaliwalas na bukas. Maaari natin silang padalhan ng mga sulat at mga kagamitan na makakatulong sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Dapat natin silang ipagtanggol laban sa walang batayan at mapanirang propaganda ng reaksyunaryong estado.

Higit sa pagkilala at pagmamahal sa kanilang kagitingan, kailangan ang higit pang pagpapalakas ng BHB upang ganap na maibagsak ang tatlong salot at ang buong reaksyunaryong gubyerno. Sa ating rehiyon, patuloy ang pagsapi sa BHB ng mga maralitang magsasaka at magbubukid at ng mga petiburgesyang lungsod sa pangunguna ng mga kabataang estudyante. Malaking hamon ngayon sa uring manggagawa na higit pang paramihin ang pagsapi sa BHB. Hindi matatapos ang tanikala ng pagkaalipin sa loob ng mga pagawaan sa ilalim ng kapitalistang sistema hangga’t hindi naibabagsak ang reaksyunaryong estado. Sumapi sa BHB at kamtin ang mas malalaki pang tagumpay tungo sa pagkakapatas at ganap na paglaya ng mga uring inaapi! Mag-ambag para sa paghawan ng landas tungo sa isang sosyalistang kaayusan! Ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyong bayan!

Mabuhay ang ika-48 anibersaryo ng BHB!

Biguin ang all-out war ng Rehimeng Duterte!

Manggagawa, sumapi sa BHB!

Pagtutuloy ng Peace Talks, Mahalaga para sa Tuluyang Pagwawakas ng Kontraktwalisasyon Habang Pinalalakas ang Armadong Paglaban

Nilalabanan ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) ang laganap at pahirap sa manggagawa na kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon batay sa paglakas at pagtatagumpay ng armadong pakikibaka.

Ang RCTU ay bahagi ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na mayroong 12-puntong programa para sa maka-mamamayang ekonomiya, pulitika, kultura at ugnayang panlabas ng bansa. Bahagi ng programa ang pambansang industriyalisasyon o pagtatayo ng mga batayang industriya na pinatatakbo ng gubyerno. Sa ganitong paraan, ang likas na yaman ay pinakikinabangan ng mga mamamayan at hindi ng iilang panginoong maylupa, malaking burgesya komprador o malaking lokal na kapitalista, at dayuhang monopolyo kapitalista.

Isinusulong ng RCTU ang pambansang industriyalisasyon sa pamamagitan ng pagsuporta sa at pagpapalakas ng armadong pakikibaka na pangunahing inilulunsad ng New People’s Army (NPA) sa kanayunan. Kailangan ito dahil ang reaksyunaryong gubyerno na nagpapatupad ng kontraktwalisasyon ay mayroong Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapanatili ng mapagsamantalang kaayusan sa bansa. Ang PNP at AFP ay kasangkapan ng mga kapitalista para patahimikin at supilin ang mga manggagawang kontraktwal maging ang mga manggagawang bukid na nag-oorganisa at lumalaban para sa kanilang mga karapatan na nakasaad din naman sa Batas Paggawa at Konstitusyon.

Sinusuportahan ng RCTU ang pagpasok ng NDFP sa peace talks upang ipakita sa Government of the Republic of the Philippines (GRP) ang kaseryosohan ng rebolusyonaryong kilusan sa pagwakas sa kontraktwalisasyon at iba pang programa at polisiya na pahirap sa mamamayan. Bago pa pumasok sa peace talks, buong giting na pinalalakas ng rebolusyonaryong kilusan ang kakayahan at pinalalaki ang kasapian ng NPA dahil ito ang pangunahing magtitiyak sa pagdurog ng kapitalistang sistema na nagluluwal ng kontraktwalisasyon at iba pang neoliberal na patakaran.

Ngayong ipagpapatuloy muli ang peace talks, hindi kailangang ibaba ang armas at bagkus ay kailangang palakasin pa nga dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit nao-obliga ang reaksyunaryong gubyerno na pumasok sa negosasyon at maging seryoso sa paglutas ng problema ng mga manggagawa at mamamayan. Kailangang patuloy na palakasin at ipagtagumpay ang armadong pakikibaka dahil malinaw na kahit kailan ay hindi wawakasan ng reaksyunaryong gubyerno ang kontraktwalisasyon hangga’t may impluwensya at dikta ng mga lokal at dayuhang kapitalista. Ang kongkretong halimbawa nito ay ang pagtutulak ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) sa “win-win solution” na diumano ay tatapos sa malawakang kontraktwal na paggawa. Ngunit kung susuriin, ang inihahapag na solusyon sa esensya ay pagbibigay ng bagong bihis at pagpapatuloy lamang ng kontraktwalisasyon.

Halos isang taon na simula ng magpahayag si Duterte noong panahon ng kampanya na papawiin ang kontraktwalisasyon ngunit, hanggang sa ngayon, patuloy ang pagdami ng mga kontraktwal at patuloy ang iligal na operasyon ng mga manpower agencies at service cooperatives. Maging yaong mga binigyan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng order na tumigil na ng operasyon at magsara na ay patuloy pa ring nakapanloloko ng mga walang muwang na manggagawa. Halimbawa nito ay ang DCMM sa Batangas at HD Manpower at Global Pro sa Laguna. Ang WorkTrusted, AMI, Sapphire, ANR, Blue Chips at marami pang iba ay napatunayang mga Labor Only Contracting (LOC) o iligal ang operasyon ngunit wala namang pangil ang DOLE at iba pang ahensya sa paggawa ng reaksyunaryong gubyerno upang parusahan ang mga ito at igawad ang hustisya at karampatang kompensasyon sa mga nabiktimang manggagawang kontraktwal.

Ang bagong labas na Department Order (DO) 174 ni Silvestre Bello ay mapanlinlang at mapagkunwaring may pangil sa pagpawi sa kontraktwal na paggawa. Sa esensya, pagpapanibagong bihis at pagpapatuloy lamang ito ng neoliberal na patakarang kontraktwalisasyon. Inutil din si Bello sa pagprotekta sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Sa halip, ipinakita n’ya sa pamamagitan ng DO174 ang kanyang maka-kapitalistang katangian. Sa pamamagitan n’ya, ipinakita ng GRP na hindi ito seryoso na wakasan ang kontraktwalisasyon sa kabila ng mga pangako at utos ni Duterte.

Ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na programa at agenda ng NDFP sa peace talks ang isa sa pag-asa ngayon ng manggagawang Pilipino para sa pagpawi ng kontraktwal na paggawa. Laman ng CASER ang komprehensibong programa upang tuluyang pawiin ang kontraktwalisasyon kasabay ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon.

Kung kaya, ang nalalapit na muling negosasyon ng peace talks ngayong Abril ay hamon kay Duterte na igiit ang kanyang maka-manggagawa at maka-mamamayang paninindigan sa mga sagadsagaring reaksyunaryo sa gubyernong kanyang pinamumunuan. Dapat nating tingnan na ang pagtatagumpay ng peace talks para sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon ay nakabatay sa kakayahan ni Duterte na pamunuan ang buong reaksyunaryong gubyerno na pumanig para sa kapakanan ng mga pinahihirapang mamamayan at hindi ng iilang mapagsamantalang kapitalista at panginoong maylupa. Sa kalagayang hindi pa ito nagaganap, hindi maiiwasan at may pangangailangan sa pagpapalakas ng armadong paglaban. ###

NEW PEOPLE’S ARMY: Tunay na Hukbo ng Mamamayan, Nagtataguyod ng Kapayapaang Nakabatay sa Katarungan

Ang NPA o New People’s Army ay naglulunsad ng armadong pakikibaka para sa mga magsasaka, manggagawa at mahihirap na mamamayang Pilipino.

Isinusulong ng NPA ang digmang bayan sa kanayunan upang hakbang-hakbang na wakasan ang mga sosyo at ekonomikong ugat ng kahirapan, problema sa droga, kawalan ng lupa, at pagpapakaalipin sa pang-ekonomiyang interes ng mga dayuhan. Ang mga pundamental na problemang ito ang pangunahing dahilan kung bakit mayroong usapang pangkapayapaan o peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Biglaang Kanselasyon ng Peace Talks

Sa halip na ipagpatuloy ang magandang daloy ng peace talks upang pag-usapan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER), bigla itong kinansela ni Duterte, ibinasura ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), at binansagan ang Communist Party of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) bilang teroristang organisasyon alinsunod sa dikta ng imperyalistang Estados Unidos. Nilalaman ng CASER ang mga reporma sa ekonomiya at serbisyong panlipunan na naglalayong pagbutihin ang pamumuhay ng mga Pilipino. Habang ang JASIG ay nagpoprotekta sa mga NDFP peace consultants upang malayang makipag-negosasyon sa GRP at makamit ang sosyo-ekonomikong programa na tunay na magsisilbi sa milyon-milyong Pilipino.

Hindi papasok sa isang bilateral ceasefire agreement ang NDFP hangga’t hindi pinalalaya ang mahigit 400 detenidong pulitikal na komitment ni Duterte noong nakaraang Disyembre. Ito ang ginawang dahilan ni Duterte upang kanselahin ang peace talks dahil diumano ay mawawalan na s’ya ng alas at mawawalan na ng dahilan ang NDFP na makipagnegosasyon. Hindi ito usapin ng simpleng pagtupad sa pangako. Ang mga detenidong pulitikal ay hindi armado at maraming taon ng nakakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso na walang matibay na batayan. Sila ay mga aktibong nagsusulong ng karapatan ng mamamayan ngunit pinatatahimik ng reaksyunaroyng gubyerno sa pamamagitan ng pagpiit sa kanila.

Malinaw na hindi seryoso ang rehimeng Duterte sa peace talks. Hindi ito seryoso sa pag-resolba sa laganap na kahirapan at pagsasamantala ng iilan sa milyon-milyong mamamayan. Ang mga ito rin ang dahilan kung bakit patuloy na dumarami ang mga magsasaka, manggagawa at kabataan na sumasapi sa NPA. Nakikita nila na tanging sa paggamit lang ng armas tunay na mawawakasan ang ssitematikong paghihirap ng sambayanan.

Marahas ang Tunay na Pagbabago

Marahas ang armadong pakikibaka ng mga NPA dahil marahas din ang reaksyunaryong gubyerno at mga instrumento nito ng pasismo – Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Karahasan din ang ginagamit ng AFP upang sila ay lipulin. Ang kaibahan, ang AFP ay nagtatago sa likod ng layuning paglingkuran at protektahan diumano ang mamamayan. Subalit sa katotohanan, ang ipinagtatanggol nila ay ang mga malaking burgesya komprador gaya nina Henry Sy at Lucio Tan, mga dayuhang monoplyo kapitalista, at mga malaking panginoong maylupa gaya ng mga Cojuangco, Enrile, Yulo, Dy at Reyes. Pinipiga ng mga kapitalista ang mga manggagawa para sa higanteng tubo kapalit ng barat na sahod at hindi makataong kundisyon at patakaran sa paggawa. Inaalipin naman ng mga panginoong maylupa ang maliliit at maralitang magsasaka sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa at hindi makataong hatian sa ani. Ang mga ito ang totoong pinoprotektahan ng AFP at PNP gamit ang kanilang armas. Kung kaya higit na makatarungan na isulong din ng NPA ang armadong pakikibaka dahil itinataguyod nito ang karapatan ng mga inaaping uri.

Hindi si Duterte ang maghahawan ng landas para sa tunay na pagbabago. Malinaw ito sa mga pinakahuli n’yang pahayag at maniobra sa peace talks. Bagama’t may mga progresibong pahayag noong nakaraan, hindi s’ya nanindigan laban sa dikta ni Delfin Lorenzana, Defense Secretary, na pinakapangunahing tuta ngayon ng Estados Unidos. Sinabotahe nito ang pagsulong ng peace talks at nag-deklara ng all-out war laban sa CPP-NPA-NDFP.

Si Lorenzana ay sinanay ng US State Department para sa crisis management. Dahil sa kanyang pagpapakatuta, ginawaran s’ya ng US Armed Forces ng Legion of Merit. Marami din sa mga heneral ng AFP ngayon ay dumaan sa pagsasanay ng imperyalistang Estados Unidos. Noong panahong positibo ang pag-usad ng peace talks, pinangunahan ni Lorenzana ang combat operations ng AFP laban sa NPA sa mahigit 500 baryo sa buong bansa. Patunay ito na walang palya ang AFP sa paglabag maging sa unilateral ceasefire ng sarili nitong reaksyunaryong gubyerno. Huling bahagi ng 1980s ng nagsimula ang mahigpit na relasyon ni Lorenzana kay Duterte. Hindi kataka-taka kung gayon na kinansela ni Duterte ang peace talks.

Laos na ang All-out War

Rehimeng Cory Aquino ang unang nagdeklara ng all-out war laban sa CPP-NPA-NDFP. Ginawa din ito ng rehimeng Estrada ngunit parehong nabigo. Sa pagpapalit ng mga rehimen, tumitindi ang pagiging reaksyunaryo ng gubyerno. Lumalaki ang yaman ng iilang pamilya habang lalong nasasadlak sa hindi katanggap-tanggap na kahirapan ang malaking bahagi ng populasyon. Ang pagkabigo ng mga rehimen sa nakaraan at ang lalong pagsasamatala sa mamamayan ang katunayang laos na ang all-out war. Magpapatuloy ang armadong rebolusyon hangga’t patuloy na pinahihirapan ang sambayanan.

Sa halip na ipagpatuloy ang peace talks, idineklara ang all-out war na nag-anak ng mga reaksyunaryong polisiya gaya ng mandatory ROTC. Oobligahin ang mga kabataan na maging bahagi ng reserbang hukbo ng bansa gamit ang panawagang isabuhay ang diwa ng nasyunalismo.

Reaksyunaryong Diwa ng Nasyunalismo

Makatarungan ang nagaganap na demokratikong rebolusyong bayan dahil layunin nito na palayain ang sambayanan sa bulok na sistema ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Makatao ito dahil layunin nitong ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo – mga dahilan ng kahirapan na pinananatili ng reaksyunaryong gubyerno.

Subalit sa halip na kilalanin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng peace talks, pinipilit ngayon ng rehimeng Duterte sa dikta ng tuta ng Estados Unidos na si Lorenzana na maliitin ang NPA at buong rebolusyonaryong kilusan. Pinalalabas na teroristang grupo na maghahasik lamang ng kaguluhan sa bansa. Dahil dito, Iginigiit ang mandatory ROTC upang diumano ay lumakas pa ang depensa ng bansa laban sa banta ng terorismo. Isa diumano itong diwa ng pagiging makabayan.

Ang pagiging bahagi ng ROTC, PNP at AFP ay bulag na pagsasabuhay sa diwa ng nasyunalismo. Reaksyunaryo ang katangian ng ganitong tipo ng pagiging makabayan dahil ginagawang instrumento ang ROTC, PNP at AFP upang protektahan ang interes ng malalaking lokal at dayuhang negosyante at malaking panginoong maylupa na karamihan ay mga tradisyunal na pulitiko din. Habang ang mga pulis, sundalo at kabataang bahagi ng ROTC ay napagsasamantalahan din dahil sa maliit na sahod at sa sistema ng disiplinang yumuyurak sa kanilang dangal at dignidad. Isinusubo sila sa gyera sa kaisipang ipinagtatanggol nila ang bansa ngunit ang mga naghaharing-uri na kanilang pinaglilingkuran ay nagpapakasasa sa yaman ng bansa na nagmula sa buwis ng mamamayan at sa kalikasan.

Makatarungan ang Armadong Paglaban, Sumapi sa NPA

Natural na titigil ang armadong rebolusyon kung mayroong kapayapaang nakabatay sa katarungan. Magkakaroon ng kapayapaan sa bansa kung ang mamamayan ay nabubuhay ng may tunay na katarungan. Mangyayari ito kung may libreng pamamahagi ng lupa sa milyon-milyong magsasaka at maayos na programa ng gubyerno para sa pag-unlad ng agrikultura; pagtatayo ng mga bayatang industriya gaya ng bakal, gamot, langis, pagkain, at iba pa na pinapatakbo ng gubyerno upang magkaroon ng tunay na pambansang industriyalisasyon; at, maayos na sistema ng serbisyong panlipunan gaya ng libreng edukasyon, libreng serbisyong medikal, at libreng pabahay. Ang pagsusulong ng mga ito ay hindi gawain ng isang teroristang grupo. Gawain ito ng NPA at ng buong rebolusyonaryong kilusan.

Malinaw kung gayon na ang dahas na ginagamit ng NPA ay makatarungan habang ang sa AFP at buong reaksyunaryong gubyerno ay lumalabag sa karapatang pantao. Ang NPA ang hukbong tunay na nagsisilbi sa mamamayan at nag-aasam ng makatarungang kapayapaan habang ang AFP ay nagsisilbi para sa kasakiman ng iilan.

Sa pagkansela ng peace talks at pagdeklara ng all-out war, nasa kamay ng mamamayang deka-dekada ng pinagsasamantalahan at inaapi ang pagbabago sa kanilang dayukdok na kalagayan. Higit pang palakasin ang tunay na hukbo ng bayan! Sumapi sa NPA at ibagsak ang reaksyunaryong estado para sa pagkakamit ng tunay na pagbabago at kapayapaang nakabatay sa katarungan! ###

Sunog sa HTI: tipo ng insidenteng paulit-ulit na mangyayari sa ilalim ng kapitalistang sistema

Mariing kinukondena ng Revolutionary Council of Trade Unions – Southern Tagalog (RCTU-ST) ang kapabayaan ng kapitalistang Home Technology Industries (HTI) matapos na masugatan ang mahigit 100 manggagawa nito habang maraming iba pa ang hindi pa nakikita na maaaring nasawi nang masunog ang isang gusali nito sa Export Processing Zone Authority (EPZA), General Trias, Cavite.

Tumpak ang pahayag ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) na kalusugan at buhay ng mga manggagawa ang naisasakripisyo dahil sa kawalan ng occupational and safety standards ng mga pabrika. Tulad sa HTI, maraming pabrika sa mga engklabo o economic zones ang walang maayos at epektibong pamamaraan para protektahan ang mga manggagawa sa panahon ng sakuna. Libo-libong manggagawa ang kayod-kabayo nang walang matinong personal protective equipment habang ang mga kapitalista naman ay nagpapakasasa sa bilyon-bilyong pisong tubo mula sa kanilang barat na lakas-paggawa.

Halos dalawang araw na matapos ang sunog ngunit hindi pa din malinaw kung ilan na ang kabuuang bilang ng nasugatan, nalapnos ang balat at bilang ng namatay. Ayon sa mga nakausap na manggagawa ng HTI, tumatalon ang mga kapwa nila manggagawa na nasa ikalawa at ikatlong palapag matapos magkaroon ng pagsabog na nagsimula ng malaking sunog sa unang palapag ng panel building.

Dapat nating suportahan ang iginigiit ng GABRIELA na magkaroon ng transparency sa imbestigasyon ng insidente. Malaki ang posibilidad na marami ang namatay dahil hindi pinapayagang makapasok ang mga volunteers at media sa lugar ng insidente. Ayon sa provincial government, nasa 6,000 ang manggagawa ng HTI habang may mga nakausap na manggagawa na nagsasabing nasa 12,000 ang kabuuang bilang ng manggagawa.

Noong 2015, umabot sa 72 manggagawa ang namatay matapos masunog ang pabrika ng Kentex. Dulot din ito ng kapabayaan sa kalusugan at kawalang pagpapahalaga sa buhay ng mga manggagawa habang pilit silang pinipiga para sa higanteng tubo.

Ayon kay Fortunato Magtanggol, tagapagsalita ng RCTU-ST, “Hindi matatapos sa HTI ang pagkasunog ng mga pabrika hangga’t umiiral ang mapagsamantala at mapanirang sistema ng kapitalismo. Bunga ng mga neoliberal na patakaran at patuloy na paghigpit ng kompetisyon sa pandaigdigang kalakalan, tumutungo ang mga kapitalista sa pagpapabaya hindi lang sa kalusugan kundi maging sa buhay ng mga manggagawa matiyak lang na sila ay nakapagkakamal ng sobra-sobrang tubo.”

“Tanging sa pagkakaroon lamang ng tunay na pambansang industriyalisasyon sa ilalim ng sosyalistang sistema mapo-protektahan ang kalusugan at buhay ng mga manggagawa. Kailangang maitayo ang mga industriya na pinapatakbo ng gubyerno. Sa ganitong kalagayan, hindi pinagta-trabaho ang mga manggagawa para sa higanteng tubo na pinagpapasasaan lamang ng iilang kapitalista. Sa halip, nagtatrabaho sila ng may dignidad para magkaroon ng disenteng pamumuhay at para mag-ambag sa tunay na pag-unlad ng bansa at mamamayang Pilipino,” dagdag pa ni Magtanggol.

Ang pambansang industriyalisasyon ay bahagi ng CASER o Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms na pinag-uusapan ngayon sa peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) kung saan ang RCTU ay isa sa mga alyadong organisasyon. Ang NDFP ang pangunahing nagsusulong ng pambansang industriyalisasyon sa nagaganap na usapang pangkapayapaan.

Ipinapakita ng sunog sa HTI na hindi makakamit ang pambansang industriyalisasyon hangga’t ang reaksyunaryong gubyerno at mga ahensya nito tulad ng DOLE at PEZA ay walang pangil sa pagpapanagot sa mga kapitalista. Sa katunayan, instrumento ang mga ahensyang ito upang ligal na mapagsamantalahan ng mga kapitalista ang manggagawang Pilipino.

“Tanging sa patuloy na pagsusulong at higit pang pagpapalakas ng armadong pakikibaka lamang mawawakasan ang mga sunog ng kapitalistang sistema na kumikitil sa libo-libong buhay ng manggagawa,” pagtatapos ni Magtanggol. ###

Ang larawan sa itaas ay mula sa Manila Bulletin.

Suportahan at Palakasin ang Programa para sa Pambansang Industriyalisasyon na Isinusulong ng National Democratic Front of the Philippines sa Usapang Pangkapayapaan

pt

Pambansang industriyalisasyon ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit pumapasok sa usapang pangkapayapaan o peace talks ang rebolusyonaryong kilusan na inire-representa ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP.

Kapag may pambansang industriyalisasyon, may mga batayang industriya tulad ng bakal na magbibigay ng disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod, at maayos na benepisyo sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino.  Nakikipag-usap ang NDFP sa gubyernong Duterte upang magkaisa sa pagsasakatuparan ng mga ito na magwawakas sa kontraktwalisasyon at iba pang porma ng pagsasamantala ng mga kapitalista at panginoong maylupa sa murang lakas-paggawa.

Upang ipakita ang kaseryosohan, parehong nagdeklara ang Communist Party of the Philippines (CPP) at gubyernong Duterte ng kanya-kanyang unilateral ceasefire. Ibig sabihin, parehong nagpahayag ng tigil-putukan ngunit wala pang kasunduan kung paano ito sistematikong ipapatupad. Gayunman, disiplinado ang New People’s Army (NPA) sa pagtalima sa pansamantalang tigil-putukan na ibinaba ng CPP; habang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay hindi pinapasunod sa tigil-putukan na ibinaba ni Duterte.

Nagpapatuloy ang Oplan Bayanihan na nagresulta sa 16 kaso ng pagpaslang, 16 bigong pagpaslang, at 35,000 biktima ng sapilitang paglikas mula Agosto hanggang Setyembre ngayong taon. Naglunsad din ng operasyon ang AFP sa mahigit 500 baryo na saklaw ng mga sonang gerilya at gubyernong bayan. Patuloy ang pananakot sa bahay ng mga magsasaka at itinayong kampo sa mga day care center, barangay hall, at eskwelehan. Ang mga manggagawa naman sa kalunsuran ay walang maasahan sa mga ahensya ng gubyerno tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil hindi napoprotektahan ang kanilang mga karapatan sa paggawa. Ang mga welga sa Tanduay, MCC, MSI, SIDC, at mga laban sa iba pang pagawaan ay nagtagumpay ngunit walang pangil ang DOLE na pasunurin ang mga kapitalista gaya ni Lucio Tan. Kasangkapan pa ng mga kapitalista ang mga reaksyunaryong sundalo at pulis upang dahasin ang mga manggagawa lehitimo ang ipinaglalaban.

Kasabay ng mga paglabag ng AFP, iginigiit ni Duterte na pumirma sa isang kasunduan ng bilateral ceasefire ang dalawang gubyerno bago palayain ang mahigit 430 bilanggong pulitikal. Taliwas ito sa kanyang pangako na palalayain ang lahat ng bilanggong pulitikal bilang pagpapakita ng kaseryosohan sa pagkakamit ng kapayapaan. Wala dapat kapalit at makatarungan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal dahil walang batayan ang mga gawa-gawang kasong ilang taon na nilang pinagdudusahan. Ang mga ito ay katanggap-tanggap na dahilan upang bawiin ng CPP ang deklarasyon nito ng ceasefire upang maipagtanggol ang mga magsasaka at mamamayang biktima ng militarisasyon.

Kaisa ang Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) sa panawagang suportahan ang peace talks, ngunit ito ay sekundaryo lamang sa pagsusulong at pagpapalakas ng armadong pakikibaka. Ang lakas ng rebolusyonaryong kilusan at ang dakilang mga adhikain nito para sa mamamayang Pilipino ang nagtulak sa gubyernong Duterte na pumaloob sa usapang pangkapayapaan.

Mayroon man o walang tigil-putukan, mahalaga pa din ang pagpasok sa usapang pangkapayapaan upang maihapag ang pambansang industriyalisasyon at iba pang pambansa-demokratikong programa na mahalaga para sa tunay na makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Ngunit, higit na kailangan ang ibayong pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pagpaparami ng kasapian lalo na ng NPA o Bagong Hukbong Bayan.

Kung kaya, napakahalaga ng papel ng uring manggagawa sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka na nagtitiyak sa pagsulong ng pambansang industriyalisasyon at iba pang maka-mamamayang programa ng NDFP. Sa pangunguna ng RCTU, kailangang tiyakin ng mga manggagawa ang higit pang pagpaparami ng kasapian ng CPP at ng NPA upang lutasin ang ugat ng armadong tunggalian at ihawan ang daan para sa tunay na demokrasya at kalayaan.

ISULONG ANG PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON AT ANG DEMOKRATIKONG PROGRAMA NG NDFP!

IBAYONG PALAKASIN ANG NEW PEOPLE’S ARMY AT IPAGTAGUMPAY ANG REBOLUSYONG BAYAN!

Higit pang Palakasin ang 48 Taong Pagsulong ng Partido Komunista ng Pilipinas para sa Tunay na Pambansang Industriyalisasyon at mga Demokratikong Programa

 

15774900_1259606737432611_280526190742605705_o

Taas-kamaong binabati ng Revolutionary Council of Trade Unions – National Democratic Front of the Philippines – Southern Tagalog (RCTU-NDFP-ST) ang ika-48 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang hindi matatawarang pagsisikap nito upang ipagtanggol ang mga pinagsasamantalahang uri!

Sa loob ng halos limang dekada, pinatunayan ng Partido ang kanyang dakila at dalisay na layunin upang palayain ang sambayanan mula sa tatlong salot – ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na mga pangunahing dahilan ng laganap na kahirapan sa bansa. Bagama’t nagkaroon ng paglihis, oportunismo, rebisyonismo, at iba pang kahinaan at kamalian sa ilang grupo at kasapi, natiyak ng Partido ang pamumuno nito at pagtahak sa tamang landas sa pamamagitan ng mahigpit na pagtangan at pagsasapraktika sa mga unibersal na teorya ng Marxismo, Leninismo at Maoismo.

Sa nakaraang anim na taon, sunod-sunod at matitindi ang pananalasa ng reaksyunaryong estado. Mula sa kawalan at pagkakait ng mga serbisyong panlipunan hanggang sa mga pampulitikang pamamaslang at masaker, ang mamamayan na kalakhan ay magsasaka, manggagawa at pambansang minorya ang nagiging biktima at lalong nasasadlak sa buhay na walang dignidad at paggalang sa karapatang pantao.

Patuloy ang pananalasa ng Oplan Bayanihan.

Inilunsad ng Rehimeng US-Aquino II ang Oplan Bayanihan upang diumano ay labanan ang terorismo at ang patuloy na paglawak ng Bagong Hukbong Bayan. Umabot sa 60% o 55 batalyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ikinalat sa Mindanao para daw lipulin ang mga teroristang grupo tulad ng Abu Sayaff. Sa halip, nagsilbing taga-protekta ng malalaking dayuhang kumpanya ng pagmimina ang mga reaksyunaryong sundalo. Nagresulta ito sa pagpapalayas at pagpaslang sa mga lumad na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno at tutol sa mapanirang pagmimina na yumuyurak sa ating soberanya.

Sa Timog Katagalugan, umabot sa 28 batalyon ang ikinalat na karamihan ay naghasik ng karahasan sa mga probinsya ng Quezon, Batangas at Mindoro. Libo-libong magsasaka at katutubo ang napilitan ding lumikas at lalong nasadlak sa kahirapan dahil pinalayas sa lupa na nagbibigay sa kanila ng buhay.

Sa hanay ng mga maralita at manggagawa sa kalunsuran, instrumento ang mga rekasyunaryong sundalo sa pagsasakatuparan ng mga malawakang demolisyon upang bigyang daan ang pagtatayo ng mga negosyo at imprastraktura na pabor lamang sa mga dayuhan at lokal na kapitalista tulad nina Henry Sy at Lucio Tan. Instrumento din ng mga kapitalista at estado ang reaksyunaryong sundalo at pulis o Philippine National Police (PNP) sa pagdurog sa lakas at pagkakaisa ng mga manggagawa. Karaniwan silang makikitang binubuwag ang mga piketlayn upang dahasin ang mga manggagawang nakikipaglaban sa kanilang mga karapatang hindi iginagalang kahit nakasaad na sa Batas Paggawa at Konstitusyon. Ito ang mga pangunahing dahilan kung bakit dumadami ang mga manggagawang naglulunsad ng welga.

Makapangyarihan ngunit may hangganan ang welga.

Simula 2015, muling dumarami ang manggagawang namumulat sa welga bilang pinakamataas na porma ng parliyamento o ligal na pakikibaka. Mula sa welga ng mga kontraktwal sa Tanduay, lumaganap sa mga manggagawa ng MCC, MSI, SIDC at iba pang pagawaan sa Timog Katagalugan ang pananaw hinggil sa kapangyarihan ng welga na paralisahin ang produksyon, pansamantalang itayo at pairalin ang gubyerno ng mga manggagawa, isandal sa pader ang kapitalista at itulak na ibigay sa mga manggagawa ang nakabubuhay na sahod, makatarungang benepisyo at maayos na pagtrato at kondisyon sa paggawa.

Primaryang dahilan ng sunod-sunod na welga ang laganap na kontraktwalisasyon na higit na nagpapababa sa dignidad ng mga manggagawa sa pamamagitan ng lalo pang pagbarat sa halaga ng kanilang lakas-paggawa. Sa mahigit 24 milyong manggagawa sa buong bansa, halos 65% dito ang mga kontraktwal habang sa Timog Katagalugan, maraming mga pagawaan ang nag-e-empleyo ng 70% hanggang 90% manggagawang kontraktwal.

Nagtagumpay ang mga welga sa Timog Katagalugan ngunit walang pangil ang Department of Labor and Employment (DOLE) para ipatupad ang kanilang mga inilabas na desisyon para sa pagpapabalik at pagreregularisa sa trabaho ng mga nakawelgang manggagawa. Ipinapakita nito kung kanino totoong nagsisilbi ang rekasyunaryong gubyerno at mga ahensya nito tulad ng DOLE. Hindi magbabago ang sagad-sagaring anti-manggagawang katangian ng estado hangga’t walang tunay na demokratikong programa para sa mamamayan tulad ng pambansang industriyalisasyon.

Pambansang industriyalisasyon ang papawi sa kontraktwalisasyon.

Mayroong tunay na pambansang industriyalisasyon kung may mga batayang industriya tulad ng bakal na pinapatakbo ng gubyerno at hindi ng mga kapitalista. Titiyakin nito na mayroong disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod at maayos na kondisyon sa paggawa ng hindi winawasak ang kalikasan. Kasama ang iba pang demokratikong programa tulad ng repormang agraryo, titiyakin nito na ang yaman ng bansa ay mapakikinabangan ng mamamayang naghihirap at hindi ng iilang nagpapakasasa dito sa loob ng mahabang panahon.

Ngunit ang pambansang industriyalisasyon ay hindi makakamit sa paglulunsad lamang ng welga. Hindi nito kayang baguhin ang reaksyunaryong katangian ng estado na nananatiling nakapaghahari dahil sa pasismong inihahasik nito gamit ang AFP, PNP, burges na korte at mga kulungan. Maitatayo lamang ang mga batayang industriya at mawawakasan ang kontraktwal na paggawa sa pagpapatuloy, pagpapalakas at pagtitiyak ng tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Sa puntong ito ng digmang bayan, malaking salik sa pagtatagumpay ng rebolusyon ang higit pang pagpapalakas at pagpapalaki ng bilang ng mga Pulang Mandirigma o Bagong Hukbong Bayan.

Mahalaga ang papel ng uring manggagawa sa pagpapalakas ng Bagong Hukbong Bayan.

Bagama’t rebolusyonaryo, hindi maitatanggi ang limitasyon ng welga. Mananatiling biktima ng kapitalistang pagsasamantala ang mga manggagawa kung hindi ito tatangan ng armas upang mag-ambag at mamuno sa pagpapabagsak ng reaksyunaryong estado. Sa paglahok sa armadong pakikibaka lamang matitiyak ng uring manggagawa ang pagkakaroon ng tunay na pambansang industriyalisasyon at mga demokratikong programa ng NDFP. Kung kaya kailangang tugunan ng uring manggagawa ang mahigpit nitong tungkulin na pamunuan ang rebolusyon upang matiyak ang tagumpay sa nalalapit na hinaharap. Dapat na tiyakin ng pinakasulong na uri ang sunod-sunod at maramihang pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Kung kaya nararapat din na bigyan ng pagkilala at pagpupugay ang mga manggagawang tumangan ng armas at nag-ambag ng kanilang buhay sa rebolusyong Pilipino. Itaas natin ang ating mga kamao para kina Rechel “Ka Minda“ Tanteo, Norman “Ka Edwin” De Castro, “Ka Romy” mula sa AsiaTex, at Darwin “Ka Rio” Amay. Ang mga pagkamatay ng gaya sa kanila ay hindi maiiwasan sa isang rebolusyong ang hangad ay kabutihan ng milyon-milyong pinahihirapang Pilipino. Ang buhay nila ay hindi nasayang at sa halip ay naging matitibay na maso na nagpapanday ng isang lipunang malaya sa pagsasamantala ng mga kapitalista at ibang naghaharing-uri.

Sa ika-48 anibersaryo ng ating pinakamamahal na Partido, ang higit na mataas na antas na pagpupugay ng uring manggagawa ay ang higit pang pagsisikap nito upang palakihin ang kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas at palakihin ang kasapian ng Bagong Hukbong Bayan upang signipikanteng mag-ambag sa pagkakamit ng pagkakapatas. Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Manggagawa, tiyakin ang ating maaliwalas na bukas! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!